4-pinoy pugs pasok sa semis
MANILA, Philippines — Matayog pa rin ang lipad ng bandila ng Pilipinas sa 2018 Thailand Open International Boxing Tournament matapos umabante sa semifinals ang apat na Pinoy boxers sa torneong ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Hindi pa napapanahon ang pamamaalam para kay Carlo Paalam matapos itarak ang 5-0 unanimous decision win (30-27, 29-28, 29-28, 30-27, 29-28) laban kay Samak Saehan ng host Thailand sa men’s light flyweight (46-49 kg.).
Agad namang sumunod sa Final Four sina Su-gar Rey Ocana, Marvin Tabamo at James Palicte na nagsumite ng magkakaibang panalo sa kani-kaniyang dibisyon sa torneong may basbas ng International Boxing Association.
Napigilan ni Ocana ang dominasyon ni Tay Jia Wei ng Singapore nang iselyo nito ang 5-0 desis-yon (30-27, 30-27, 30-27, 30-26, 30-26) sa men’s light welterweight (64 kg.) habang nailusot ni Tabamo ang 3-2 split decision (29-28, 29-28, 29-28, 27-30, 28-29) laban kay Kim Inkyu ng South Korea sa men’s flyweight (52 kg.) category.
Nagawa ring maitakas ni Palicte ang 3-2 split decision win (30-27, 30-27, 30-27, 28-29, 28-29) kontra naman kay Kimura Rentaro ng Japan sa men’s lightweight (60 kg.) class.
Susubukan ni Paalam na makahirit ng puwesto sa finals sa pakikipagtuos nito kay Tu Po-Wei ng Chinese-Taipei na nagsumite ng 3-2 panalo kay Wuttichai Yurachai ng Thailand habang haharap si Ocana laban kay Masuk Wuttichai ng Thailand na nanaig sa kaniyang kababayang si Chaiya Ruamtham, 5-0.
Hahataw naman si Tabamo laban kay Kritiphak Duangnuch ng Thailand na namayani kay Al Daragmeh Abdallah ng Jordan sa bisa ng 5-0 desis-yon samantalang susuntok si Palicte kontra kay Battumur Misheelt ng Mongolia na nagwagi kay Rutchakarn Jantong ng Thailand, 5-0.
Dahil sa pagpasok sa semis, nakasisiguro na sina Paalam, Ocana, Tabamo at Palicte ng tansong medalya kalakip ang $500 papremyo.
Magkakamit ng $1,500 ang magkakampeon habang $750 naman sa runner-up.
- Latest