MANILA, Philippines — Naitarak ng PayMaya ang pahirapang 28-26, 25-16, 25-27, 25-27, 15-12 panalo laban sa BanKo Perlas upang maipuwersa ang rubber match sa kanilang Premier Volleyball League Reinforced Conference best-of-three semifinal series kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagtulong sina Ame-rican import Tess Nicole Rountree at three-time NCAA MVP Grethcel Soltones sa fifth set para pamunuan ang pagresbak ng High Flyers matapos lumasap ng 19-25, 28-26, 23-25, 23-25 kabiguan sa Perlas Spikers sa Game 1.
Humataw si Rountree ng umaatikabong 34 puntos mula sa 27 attacks, limang aces at dalawang blocks habang nagrehistro si Soltones ng 22 puntos galing sa 18 kills, tatlong aces at isang block.
“Ginawa ko lang inspiration ‘yung teammates ko. Gusto naming manalo ayaw pa naming matapos yung series agad. Yung mindset ko kapag ganito ka-crucial yung laro is I have to get this point parati. Focused lang ako dahil gusto kong manalo,” wika ni Soltones.
Nag-ambag naman si Shelby Sullivan ng 14 markers samantalang may tig-walo sina Jerilli Malabanan at Celine Domingo para sa High Flyers.
Nasayang ang 35 puntos ni Lakia Bright gayundin ang 23 hits ni Thai reinforcement Jutarat Montripila sa panig ng Perlas Spikers.
Mabilis na nakuha ng High Flyers ang 9-5 kalamangan sa fifth set sa likod nina Soltones na nagtala ng dalawang attacks at isang drop shot at si Roundtree na humataw ng sunud-sunod na crosscourt hits at off-the-block shots.
Ngunit pinasabog ng Perlas Spikers ang 5-1 run matapos rumatsada si Bright ng sariling crosscourt spikes at off speed upang maitabla ang laro sa 10-all bago muling bumandera si Soltones na bumira ng ilang pamatay ng down-the-line at tuluyang buhatin ang High Flyers sa panalo.
Lalaruin ang Game 3 bukas sa pareho ring venue.
Sa men’s division, nakahirit din ng do-or-die ang Vice Co. nang pabagsakin nito ang Philippine Air Force, 25-22, 16-25, 25-23, 29-31, 17-15, sa Game 2 ng kanilang sariling best-of-three semis series.
Nanguna si FEU standout John Paul Bugaoan para sa Blockbusters tangan ang 24 puntos katuwang sina Jude Garcia at Paolo Pablico na may 17 at 12, ayon sa pagkakasunod.
Sa ikalawang laro, iginupo ng top seed Creamline ang nagdedepensang Pocari Sweat-Air Force, 25-16, 26-24, 22-25, 25-17 para maitabla sa 1-1 ang kanilang sariling best-of-three semis series.
Malaki ang kontribus-yon ni Michele Gumabao na nakalikom ng 14 attacks, 2-blocks at 2-aces.