MANILA, Philippines — Uumpisahan na ng Grand Prix champion Petron Blaze Spikers ang kanilang kampanya sa pagharap sa karibal na Foton Tornadoes habang asam naman ng Cignal HD ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa Sta. Lucia sa “Spike on Tour ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Invitational Conference sa Cadiz City Arena sa Neg-ros Occidental.
Pagkaraan ng mahabang pahinga, muling magpapasiklab ang Blaze Spikers laban sa Tornadoes sa alas-7 ng gabi pagkatapos sa laro ng HD Spikers at Lady Realtors sa alas-4:15 ng hapon.
Kung mananalo ang HD Spikers laban sa Lady Realtors, lalapit sila sa pagsungkit ng outright semifinal berth sa pinaiksing preliminary round. Ang unang panalo ng HD Spikers ni coach Edgar Barroga ay sa UE-Cherrylume, 19-15, 26-24, 25-21, 25-22 noong Hunyo 26 at sinundan ng 25-10, 26-24, 25-18 panalo sa Smart-Army noong Hunyo 28.
Ang Lady Realtors naman ay nakikisosyo sa ikalawang puwesto sa Pool B kasama ang Cocolife at Smart sa parehong 1-1 win-loss kartada kaya kung ang Sta. Lucia ni coach George Pascua ang magwawagi, uusad sila sa sosyohan sa top spot kasama ang Cignal HD.
Inaasahang pangungunahan ng mga beteranong sina Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas, Ces Molina, Rhea Dimaculangan at Remy Palma ang Blaze Spikers ni coach Shaq de los Santos.
“This Invitational is very unpredictable because all teams are tough to beat. We need to be more prepared every game in this conference and give our best to show a great competition,” sabi ni De Los Santos.
Sasandal din si De Los Santos sa nagbabalik na sina Sisi Rondina at hometown hero Bernadeth Pons.
Ang Foton ni coach Rommel Abella ay agad nakalasap ng dalawang sunod na talo kaya hangad ngayon nina Jaja Santiago, Dindin Santiago-Manabat, team captain Maika Ortiz at rookie Bea de Leon na bumangon.
“Actually, it’s not yet time to push the panic button. We still have a chance although we made the road tougher for us,” ayon naman kay Abella. Communication and composure were the problems in our first two matches. Especially in our recent lost to Generika-Ayala, we lost our composure. If we want to survive in this tournament, we have to address those factors moving forward.”