Bilyar puwede sa Olympics

Si Pinoy cue master Carlo Biado sa isa niyang laro.

MANILA, Philippines — Ilang grupo at perso­nalidad na ang kumikilos upang itulak ang bi­lliards na mapasama bi­lang regular event sa Olympic Games.

Nagsumite na ng petisyon ang World Con­fe­deration of Billiards Sports sa In­ter­national Olympic Committee (IOC), habang may signature cam­paign na rin ang gru­­po sa change.org.

Kaya posibleng magmula sa billiards ang ka­una-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.

Nais ng grupo na ma­pabilang ang billiards sa mga lalaruing events sa 2024 edisyon ng quad­rennial meet na idaraos sa Paris, France.

Suportado ng billiards association ng host country - ang Fédération Française de Billard (FFB) - ang ak­syon ng grupo.

Kung matutuloy ito, malakas ang tsansa ng Pilipinas na tuluyang tul­dukan ang pagka-u­haw sa gintong medalya.

Isa ang Pilipinas sa iti­nuturing na powerhouse country sa mundo ng billiards.

Kasalukuyang hawak ni Carlo Biado ang ko­rona ng World 9-Ball Championship.

Nakasungkit din si Biado ng gintong me­dalya noong 2017 World Games na ginanap sa Wroclaw, Poland.

Maliban kay Biado, ilang kilalang Pinoy cue masters pa ang gumawa ng ingay sa mga nakalipas na taon.

Itinanghal na kampeon sa World 9-Ball si­na Efren “Bata” Reyes (1999), Ronnie Alcano (2006) at Francisco “Django” Bustamante (2010).

Sa World 8-Ball Championships ay naka­hirit din ng korona sina Reyes (2004) at Alcano (2007) gayundin si Dennis Orcollo noong 2011.

Umaariba rin ang Pi­lipinas sa women’s di­vi­sion.

Show comments