Bilyar puwede sa Olympics
MANILA, Philippines — Ilang grupo at personalidad na ang kumikilos upang itulak ang billiards na mapasama bilang regular event sa Olympic Games.
Nagsumite na ng petisyon ang World Confederation of Billiards Sports sa International Olympic Committee (IOC), habang may signature campaign na rin ang grupo sa change.org.
Kaya posibleng magmula sa billiards ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.
Nais ng grupo na mapabilang ang billiards sa mga lalaruing events sa 2024 edisyon ng quadrennial meet na idaraos sa Paris, France.
Suportado ng billiards association ng host country - ang Fédération Française de Billard (FFB) - ang aksyon ng grupo.
Kung matutuloy ito, malakas ang tsansa ng Pilipinas na tuluyang tuldukan ang pagka-uhaw sa gintong medalya.
Isa ang Pilipinas sa itinuturing na powerhouse country sa mundo ng billiards.
Kasalukuyang hawak ni Carlo Biado ang korona ng World 9-Ball Championship.
Nakasungkit din si Biado ng gintong medalya noong 2017 World Games na ginanap sa Wroclaw, Poland.
Maliban kay Biado, ilang kilalang Pinoy cue masters pa ang gumawa ng ingay sa mga nakalipas na taon.
Itinanghal na kampeon sa World 9-Ball sina Efren “Bata” Reyes (1999), Ronnie Alcano (2006) at Francisco “Django” Bustamante (2010).
Sa World 8-Ball Championships ay nakahirit din ng korona sina Reyes (2004) at Alcano (2007) gayundin si Dennis Orcollo noong 2011.
Umaariba rin ang Pilipinas sa women’s division.
- Latest