MANILA, Philippines — Sa pagpasok ng buwan ng Hulyo na natin mapapanood ang ikatlong yugto ng triple crown stakes race na ilalarga naman sa Saddle & Clubs Leisure Park, Naic Cavite.
Nakahandang tumakbo sa nasabing big event ang Box Office, Critical Moment, Disyembreasais, El Debarge, Goldsmith, Prosperity, Speedmatic, Smart Candy, The Best Ever, Wonderland at Victorious Colt.
Ang distansiyang paglalabanan ay sa 2,000 meters at may kabuuang papremyong P3,000,000 na inilaan ang sponsoring firm na Philippine Racing Commission (Philracom).
Malaking bahagi ng premyo na katumbas ng P1,800,000 ang mapupunta sa kampeon at para naman sa runner-up ay P675,000. Sa third placer ay may P375,000 at sa fourth ay P150,000, habang may pabuya pang P100,000 para sa winning breeder.
Kaalinsabay ng Triple Crown ang 2018 Philracom Hopeful Stakes race at dito ay walo rin ang nakatakdang maglaban para sa distansiyang 2,000 meters.
Kabilang sa napiling lumahok ang Aphodisiac, Be The One, Eli Brassous, Jack Hammer, Royal Signal, Talitha Koum, Tapster at The Best Ever.
Dito ay P1,000,000 naman ang inilaan ng Philracom na ang magkakampeon ay mayroong P600,000.
Sa second placer ay premyong P225,000, samantalang sa ikatlo ay P125,000 at sa ikaapat ay P50,000 at mayroon ring P30,000 para sa winning breeders.
Nagdagdag pa ng P500,000 ang Philippine Racing Commission para matuloy ang 2018 Philracom Three Year Old Local Horses na sa pareho ring distansiyang 2,000 meters ang takbuhan.
Nakalinya rito ang Courageous, Foolish Heart, Misha, Perlas Ng Silangan, Smell My Tail, The Barrister at Tipsy Tapsi. Ang mga papremyo ay P300,000 sa magiging kampeon; P112,500 sa runner-up. P62,500 sa ikatlo at P25,000 sa ikaapat. JMacaraig