MANILA, Philippines — Nahirapan man ay nagwagi pa rin ang Generika-Ayala kontra sa University of the Philippines-United Auctioneers via four-sets win, 25-23, 25-9, 23-25, 25-16, sa pagbubukas ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos kunin ang 2-0 abante ay nabigo ang Lifesavers sa Lady Maroons sa third set.
Ngunit bumawi sina Angeli Araneta, Marivic Meneses, Ross Hingpit, Shiela Pineda, Mikaela Lopez at Jane Orendain sa fourth set para sa magandang umpisa sa kanilang kampanya.
Inunahan kaagad ng Generika-Ayala ang UP-UAI sa 5-1 at lumobo sa 12-5 mula sa service ace ni Meneses sa fourth set.
Mula sa magkasunod na block ni Lopez at atake ni Orendain ay tuluyan nang nasungkit ng Lifesavers ang panalo sa laban sa Lady Maroons.
Umiskor si Orendain ng 18 puntos kabilang na ang 16 atake at dalawang blocks para sa panalo sa tropa ni head coach Sherwin Meneses.
“Maski kulang pa kami ng dalawa dahil wala pa sila ngayon, nag-adjust kami para manalo. Importante kasi ang unang panalo. Malaki pa talaga ang dapat naming ma-improve lalo na sa depensa, blocking at service kaya mag-eensayo kami nang husto,” ani Orendain.
Samantala, ipinakilala naman ang Philippine national women’s volleyball team sa opening ceremonies.
Sasabak ang tropa sa 2018 Asian Games sa Palembang at Jakarta, Indonesia.