Outstanding players, coaches sa UAAP at NCAA pararangalan

Tab Baldwin at Boyet Fernandez

MANILA, Philippines — Pararangalan ang mga collegiate stars at coaches na nagpasiklab sa nakalipas na season sa gaganaping 2018 Collegiate Basketball Awards sa Huwebes sa The Bayleaf Hotel sa Intramuros.

Bago magsimula ang panibagong season, gagawaran muna ng UAAP-NCAA Press Corps ang mahuhusay na basketbolistang tunay na nagningning noong nakaraang taon sa dalawang collegiate leagues.

Kabilang sa mga bibigyan ng pagkilala ang San Beda Red Lions na nagkampeon sa NCAA Season 93 at Ateneo Blue Eagles na siya namang naghari sa UAAP Season 80.

Binanderahan nina Robert Bolick at Javee Mocon ang Red Lions para masungkit ang ika-10 korona ng Mendiola-based squad sa nakalipas na 12 seasons.

Ginabayan ang San Beda ni coach Boyet Fernandez na isa sa dalawang mentors na bibigyan ng Coach of the Year award.

Sa kabilang banda, dinagit ng Blue Eagles ang korona sa UAAP nang patumbahin nito ang De La Salle University sa best-of-three championship series kung saan itinanghal si Thirdy Ravena bilang Finals Most Valuable Player.

Naibalik ni Ateneo head coach Tab Baldwin ang korona sa pugad ng mga Blue Eagles kaya’t kasama rin ito sa mga gagawaran ng Coach of the Year plum.

Ngunit hindi lamang ang mga teams ang kikilalanin ng grupo dahil gagawaran din ng special awards ang mga gumawa ng ingay sa iba’t ibang kategorya gaya ng Collegiate Mythical Team, Defensive Player of the Year at Most Improved Player of the Year.

Show comments