Dixie Gold, kampeon ulit sa 2018 PCSO Silver Cup Stakes
MANILA, Philippines — Nanalaytay sa dugo ng dating kampeong Dixie Gold ang kanyang reputasyon at muling naghari sa 2018 Silver Cup na ginanap sa karerahan ng Metro Turf, Malvar-Tanauan, Batangas.
Sa derecha ng huling kurbada ay bumuhos ng lakas ang Dixie Gold at kumikig nang husto para lagpasan ang nangungunang Salt And Pepper na nagdala ng trangko sa malaking bahagi ng karera.
Nagparemate rin ang Sepfourteen mula sa malaking kuwadra na Santa Clara Stockfarm na inihatid sa segundo puwesto ni John Alvin Guce at napasok lang sa ikaapat na puwesto ang Salt And Pepper ni Pat Dilema.
Sa largahan ay naging alisto ang Salt And Pepper na binakbakan antimano ng mabibilis ring Greatwall na nirendahan ni Dan Camañero at Blue Berry na sinakyan ni Jessie B. Guce.
Ang Shining Vic na sinakyan ni Kelvin B. Abobo at Hiway One na pinatungan ni Dominador H. Borbe Jr., ay nauna na ring nagpakita ng kanilang bilis.
Pero kalaunan ay naubos sila sa kahahabol kay Salt And Pepper na punong-puno pa. Kaya naman sa puntong ito, ay napakalakas ang ginawang pagpaparemate ni Oneal P. Cortez sa Dixie Gold para muling magkampeon.
Ang panalo ay nangahulugan ng P2,500,000 unang premyo kay Joseph C. Dyhengco na tinanggap ang dating hineteng si Dante I. Salazar.
Naiuwi naman ng koneksyong Santa Clara Stockfarm Inc., ang second purse na P700,000 sa pagiging runner-up ng Sepfourteen at nakaabot pa sa P350,000 ang Aurelio P. De Leon sa pagtersero ng kabayo niyang Manalig Ka.
Napunta ang fourth prize na P250,000 kay Hermie Esguerra sa pagiging pang-apat ng kanyang lahok na Salt And Pepper. Naorasan ng 2:05-2/5 ang Dixie Gold sa distansiyang 2,000 meters. JMacaraig
- Latest