Rain or Shine lumapit sa twice-to-beat
MANILA, Philippines – Matapos mahulog sa isang 19-point deficit sa first period at maiwanan sa halftime, 45-57, ay pinaalalahanan ni coach Caloy Garcia ang mga Elasto Painters na hindi pa tapos ang kanilang trabaho.
Nagising naman ang Rain or Shine at inilusot ang 108-106 panalo laban sa namemeligrong Phoenix para sa kanilang ikalimang sunod na panalo sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Humugot si import Reggie Johnson ng 13 sa kanyang 32 points sa third period, habang umiskor si two-time PBA MVP James Yap ng walo sa kanyang 13 markers sa fourth quarter para sa pagbangon ng Elasto Painters.
Nagdagdag sina Beau Belga at Raymond Almazan ng 13 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod, para patibayin ang tsansa ng tropa ni Garcia sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
“The only positive thing is we have a chance at getting one of the top two spots,” sabi ni Garcia.
Ang No. 1 at No. 2 teams ang magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals laban sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod, habang magtutuos sa best-of-three series ang No. 3 laban sa No. 6 at ang No. 4 kontra sa No. 5.
Nalasap naman ng Fuel Masters, nakahugot ng tig-26 points kina import Eugene Phelps at Jeff Chan, ang kanilang ikaapat na dikit na kamalasan.
Tuluyang naagaw ng Elasto Painters 104-98 abante galing kina Johnson at Almazan sa 4:09 minuto ng labanan habang ang three-point shot ni RJ Jazul ang nagdikit sa Fuel Masters sa 106-107 sa huling 48 segundo.
Matapos ang mintis ni Phelps para sa Phoenix ay tumipa naman si Gabe Norwood ng isang free throws mula sa foul ni Jeff Chan, kumamada ng 23 points na tinampukan ng anim na triples sa first half, para sa 108-106 bentahe ng Rain or Shine sa natitirang 5.9 segundo.
- Latest