BOCAUE, Bulacan, Philippines — Sa gitna ng bagyo at sa likod ng mga ulap ay laging may nakatagong bahaghari.
At lumitaw iyon kahapon nang angkinin ni Janine Pontejos ang shootout title upang sagipin ang kampanya ng Pilipinas sa katatapos lamang na 2018 International Basketball Federation (FIBA) 3x3 World Cup dito sa Philippine Arena.
Inspiradong maiganti ang winless campaign ng Perlas Pilipinas, nagliyab si Pontejos sa 14 puntos kabilang na ang dalawang krusyal na money balls sa huling rack upang iuwi ang titulong pinakamagaling na shooter sa prestihiyosong 3x3 World Cup.
Tabla sila ng silver medalist na si Alexandra Stolyar ng Russia sa 14 puntos ngunit tinapos ni Pontejos nang mas mabilis ang event sa oras na 41.86 segundo.
Sa kabilang banda, nagkasya naman si Stolyar sa 49.9 segundo.
Nauwi naman kay Marin Hrvoje ng Croatia ang tansong medalya bunsod ng kanyang 11 puntos habang may walong puntos din ang Russian na si Maksim Dybivskii para sa ikaapat na puwesto.
Nakapasok ang Centro Escolar University standout na si Pontejos sa shootout Finals matapos magbuslo ng 12 puntos sa 22 segundo sa elimination round.
Ang panalong ito ni Pontejos ang siyang nagsilbing pambawi sa masaklap na 0-4 kartada ng Perlas Pilipinas sa Pool D eliminations.
Bagama’t lumaban nang buong puso kontra sa mas malalaking karibal, kinapos ang Perlas sa Netherlands, 11-21, Germany, 10-12, Spain, 17-21 at Hungary, 15-18 upang mamaalam sa kanilang kampanya.
Nais makabawi ng Gilas sa tulong ni David Karlos sa slam dunk contest finals mamayang gabi.