Warriors masayang sinalubong ng mga fans

OAKLAND, California — Nangangalumata at pagod pa sa katatapos na championship series, dumating ang NBA champions na Golden State Warriors dito kahapon (Manila time) ng hapon kung saan sinalubong sila ng kanilang mga fans.
Lalo pang umingay ang sigawan nang huminto ang Delta charter jet sa Signature Flight Support Center sa north field ng Oakland International Airport.
Ang center ay napaligiran ng mga fans na mga bata at matatanda.
Dinala ni Warriors star Steph Curry ang NBA Championship trophy palabas ng eroplano kasunod si Kevin Durant na bitbit ang kanyangFinals MVP trophy.
Umiskor si Curry ng 37 points kasama ang pitong three-pointers noong Biyernes para tulungan ang Warriors sa 108-85 paggiba sa Cleveland Cavaliers at angkinin ang kanilang back-to-back NBA titles.
Kumolekta naman si Durant ng una niyang career playoff triple double sa tinapos na 20 points, 12 rebounds at 10 assists.
Ipagdiriwang ng koponan ang kanilang tagumpay kasama ang mga fans sa Miyerkules (Manila time) ng umaga sa pamamagitan ng isang victory parade na inaasahang lalahukan ng 1 milyong supporters.
Magsisimula ang nasabing victory parade sa Broadway sa 11th Street at dadaan sa Broadway sa 20th Street, kakanan sa Harrison Street, muling kakanan sa 19th Street, kakaliwa sa Lakeside Drive diretso sa Oak at 13th streets para sa pagtatapos nito.
Ilang fans ang luminya sa kalsada tatlong oras bago dumating ang Warriors sa airport.
- Latest