ILAGAN CITY, Philippines — Sinapul ni 2017 Southeast Asian Games bronze medalist Melvin Calano ang titulo ng men’s javelin throw para sa kanyang makulay na pagtatapos ng 2018 Ayala Philippines Athletics Championships kahapon dito sa City of Ilagan Sports Complex sa Isabela.
Bumato ang tubong Camarines Norte ng 63.55 meters upang daigin ang kapwa RP team member na si Kenny Gonzales (62.29m) at ang national team coach na si Danilo Fresnido (61.31m) upang makumpleto ang pambihirang 1-2-3 finish ng players-coach trio combo.
“Bawi lang. Tinalo po kasi ako ni coach last year,” anang 27-anyos sa kanyang mentor na si Fresnido.
Sergeant ngayon sa Philippine Army habang nagsisilbi ring national coach, ginapi ni Fresnido ang kanyang dalawang players na sina Calano at Gonzales noong nakaraang national open sa kabila ng pagiging 45-anyos na nito.
Si Fresnido rin ang may hawak ng national record na 72.93 meters na naitala niya sa 25th SEAG sa Laos noong 2009.
“Magandang maki-pag-compete sa mga mas batang athlete para ma-inspire sila,” ika naman ni Fresnido na siyang magdadala ng bandila ng Pilipinas sa paparating na World Masters Athletics Championships sa Spain sa Setyembre.
Sa iba pang laro, dinomina ng Philippine Army ang women’s shot put nang magtapos sa 1-2 finish sina Narcisa Atienza (13.10m) at Rosie Villarito (11.68m), ayon sa pagkakasunod.
Inangkin naman ni Daniela Daynata (40.80m) ng La Salle ang gold sa girls’ discus throw habang iniuwi ni Mohd Eizlan Dahlan (2.10m) ng Sabah Malaysia Team ang men’s high jump.
Ang isa ring Army personnel na si Ri-chard Salano naman ang naghari sa men’s 5, 000 meter run sa oras na 15 minuto at 22.94 na segundo sa mga huling events kamakalawa.
Ito na ang kanyang ikatlong ginto sa naturang 5-day athletics spectacle na suportado ng Ilagan City, Ayala Corporation, Milo at Philippine Sports Commissioner matapos ding angkinin ang gold sa men’s 3, 000m steeple chase at 10, 000m run noong mga naunang araw.
Samantala, tinakbo naman ni Edwin Giron Jr. ng Dasmariñas City Athletic Team (1:52.70s) ang gold sa boys’ 800m run habang si Marisol Amarga ng Run Rio – UP naman ang nanalo sa girls’ 800m run.
Sinungkit din ng 2017 SEAG silver me-dalist na si Marco Vilog (1:51.98) ang men’s division ng 800m race habang si Ailene Tolentino (2:23.3) ng Philippine Army ang kinoronahan sa women’s divison.
Hanggang sa pagsulat ng balitang ito ay nasa unahfan ng medal tally ang Run Rio – UP sa koleksyon na 14 ginto, 16 na pilak at 11 na tanso habang nakasunod lamang ang Dasma (11-6-1) at Army (10-5-6).
Anim na events (women’s 3,000m steeplechase, women’s discus throw, 4x400 relay sa boys, girls, men at women) ang natitirang paglalabanan ng mga atleta sa pagtatapos ng pinakamalaking trackfest ng bansa kagabi.