Pagpapahingahin ng Aces si Teng

MANILA, Philippines — Bibigyan ng Alaska management si Jeron Teng ng sapat na panahon upang makarekober at makabalik sa tamang kundisyon matapos ang insidenteng kinasangkutan nito noong Linggo sa Taguig City.

Ayon kay Alaska head coach Alex Compton, mawawala si Teng sa loob ng anim hanggang walong linggo o mas matagal pa depende sa payo ng mga doktor kaya’t posibleng hindi na ito masilayan pa sa mga nalalabing laro ng Aces sa PBA Commissioner’s Cup.

Nagtamo si Teng ng malalalim na sugat matapos masaksak sa Fort Strip area sa Bonifacio Global City (BGC) kasama sina Norbert Torres ng Rain or Shine at free-agent Thomas Torres.

Ngunit idineklara nang ligtas ang tatlong manlalaro.

Mangangailangan lamang sina Teng at Thomas ng sapat na panahon para magpagaling habang bahagya lamang nasaktan si Norbert na agad namang nakalabas ng ospital nang malapatan ito ng paunang lunas.

“He is still in the hospital and he’s out for a while. I’m not certain yet to give that exact estimation to protect my own way of thinking. I’m thinking probably he is not playing in the entire conference,” wika ni Compton.

Umaasa si Compton na mapapabilis ang paggaling ni Teng upang makabalik agad ito sa paglalaro.

“We are just happy that he is alive and none of his vital organs were hit. At this point, he should follow whatever the doctor tells him to do to recover,” dagdag ni Compton.

Panibagong dagok ito para sa Aces dahil hindi sumisipot si Calvin Abueva sa mga ensayo ng tropa.

Walang Abueva ang dumating sa practice ng Aces sa Gatorade Hoops Dome kahapon.

“He is still not showing up. I hope he’s okay although some people seen him but we don’t,” ani Compton.

Handa naman ang pamunuan ng ROS na tulungan si Norbert sa kaniyang kaso.

“His wounds are only superficial. He will be out for one week or maximum of 10 days. We will provide him lawyer in this case,” sambit ni Rain or Shine team governor Momerto Mondragon.

Show comments