Tahimik sa mga awards this year ang mga Vilmanians. Wala naman kasing ginawang isa mang pelikula simula last year si Congresswoman Vilma Santos. Taliwas nga kasi sa kanyang inaasahan, mas natambakan siya ng trabaho nang maging congresswoman. Sa panahong ito nga kasi dumating ang maraming batas at pagbabago na nakakabigla talaga.
Hindi naman talagang tinatalikuran ni Ate Vi ang showbusiness. Ang sinasabi nga niya, kung mayroong panahon na makakalibre siya, gagawa pa rin siya ng pelikula. Ayaw naman kasi niyang tumanggap ng pelikula tapos mabibitin ang trabaho dahil sa kanyang mga schedules.
May nagsasabi namang siguro wala pang nababasang script si Ate Vi na talagang nakaka-excite sa kanya kaya naghihintay siya ng tamang pagkakataon. Maraming mga proyektong naghihintay sa kanya, in fact nakatambak na sa kanya ang scripts at naghihintay na lang ng kanyang desisyon, pero sinasabi nga nila na kung mayroon diyan na naka-excite sa kanyang gawin talaga, sigurado makagagawa siya ng panahon para roon.
Sa panahong ito, hindi lamang gusto ng mga Vilmanians na mapatunayan ang lakas ng kanilang suporta kay Ate Vi. In fact lahat ng gawin niyang pelikula ay kumikita pa rin dahil talagang gumagastos naman ang mga Vilmanians. Pero may award pa nga bang kailangan si Ate Vi?
“I can say that I’ll be had it all. Pati iyong pinakabago at sinasabing pinaka-prestigious, iyong Eddy’s kasi puro mga entertainment editors iyan, last year nagsimula ako ang first winner. I can say na at one time napanalunan ko na ang lahat ng awards, in fact mayroon ngang nasa hall of fame na tayo at hindi na maaaring manalo. Pero hindi naman natin sinasabi na ayaw natin iyang mga ganyang parangal. Para sa isang artista, mahalaga iyan eh.
“Iyon nga lang, sa ngayon hindi ko talaga maisingit dahil palagay ko mas may tungkuling ako sa bayan kaysa sa pagiging artista ko,” sabi ni Ate Vi.
Iyon na.
Nora malabo nang maibalik ang dating boses
May nagtatanong, bakit daw ayaw na kuning judge o kahit na guest man lang si Nora Aunor doon sa finals ng Tawag ng Tanghalan, eh siya naman ang pinakamalaking star na nagsimula sa nasabing pakontes?
Hindi ba ang simpleng dahilan ay may kontrata siya sa GMA 7 at ang show ay nasa ABS-CBN? Maaari ba naman siyang kuning guest eh hindi nga siya makakanta. Iyong sinasabing pagpapa-opera niya sa doctor ni Julie Andrews limang taon na yatang plano hindi matuloy eh. At saka maoperahan man siya, hindi na maibabalik ang boses niya dati.
Iyang Tawag ng Tanghalan ngayon, hindi na iyan iyong dating show na sinalihan ni Nora. Iyan ay segment na lang ng It’s Showtime. Option ng mga producer ng show kung kukunin nila si Nora o hindi. Ang tanong lang, will it be worth it?