Verdadero, Cuyom tig-4-golds na

Si Ernie Calipay ng University of Perpetual Helf sa kanyang gold medal winning jump sa high jump boys sa 2018 Ayala Philippine Athletics Championships sa Ilagan, Isabela.
Joey Mendoza

ILAGAN CITY, Philippines — Inangkin ng mga batang atletang sina Veruel Verdadero at Eliza Cuyom ng Dasmariñas City Athletic Team ang kanilang ikaapat na ginto upang maging most bemedalled athletes papasok sa huling araw ng 2018 Ayala Philippine Athletics Championships dito sa City of Ilagan Sports Complex sa Isabela.

Nakipag-kapit bisig sina Verdadero at Cuyom sa kanilang mga Dasma team mates na sina Jessel Lumapas at John Lord Santos sa pagsikwat ng 4x100 meter mixed relay sa oras na 46.55 segundo.

Ginapi nila ang mga pambato ng CSF Knights (48.39s) at Calamba City (49.24s) na nagkasya lamang sa pilak at tansong medalya.

Bago iyon, ang dalawang atleta rin ang naghari’t reyna sa centerpiece event na 100 meter run kamakalawa ng gabi.

Kumaripas ang 17-anyos na si Verdadero para sa titulo ng century dash sa oras na 11.16 segundo habang nagtapos sa 12.80 segundo ang 16-anyos na si Cuyom para makumpleto ang Dasma twin kill sa boys’ t girls’ 100 meter run ayon sa pagkakasunod.

Bunsod nito, may tig-apat na medalya na ang dalawang runners upang trangkuhan ang 11 gintong medalyang paghakot ng Dasma na nangunguna ngayon sa medal tally kontra sa 26 pang ibang koponan.

Bago ang panalo sa 4x100m mixed relay at 100 meter run ay nanalo na rin sa 100m hurdles at 4x100 girls relay si Cuyom habang si Verdadero naman ay nagwagi sa 200m at 400m.

Sa iba pang resulta, si Anfernee Lopena ang itinanghal na fastest man sa APAC matapos pagharian ang men’s 100 meter run sa oras na 10.91 seconds habang ang kanyang kapwa RP teammate na si Eloisa Luzon ang kinoronahang fastest woman sa oras na 12.34 seconds.

Nakumpleto naman ng University of the Philippines ang four-gold sweep sa 400m hurdles nang mamayani sina Francis Medina (men’s division), Robyn Lauren Brown (women’s), Ferdinand Tridanion (boys’) at Riza Jane Dufalco.

Nagtala ng 56.73 metro si James Lozanes ng Mapua para sa ginto ng boys’ javelin throw habang tumalon ng 1.90 metro si Ernie Calipay ng Perpetual para sag into ng boys’ high jump.

Matapos lumahok at manalo sa masters women ng 100 meter run kahapon, inaasahan namang magwagi rin ang dating “Long Jump Queen” na si Elma Muros-Posadas ngayon sa long jump masters women para sa pagtatapos ng five-day athletics spectacle na suportado ng Ilagan City, Ayala Corporation, Milo at PSC.

Show comments