MANILA, Philippines — Determinadong makabawi matapos masilat sa Aspirants’ Cup, nagpalakas ng puwersa ang Marinerong Pilipino para sa nalalapit na 2018 Philipine Basketball Association (PBA) Developmental League Foundation Cup na magbubukas na sa Hunyo 4 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ito ay matapos ang pagkuha sa serbisyo nina Filipino-Americans Trevis Jackson at Rob Manalang upang patikasin ang kanilang backcourt sa asam na paghihiganti ngayong ikalawang conference ng prestihiyosong semi-professional league sa bansa.
Sumegunda sa eliminasyon noong Aspirants’ Cup upang makasikwat agad ng upuan sa semifinals, nadiskaril ang Skippers na makarating sa finals nang ma-sweep ng kampeong Zark’s Burgers-Lyceum of the Philippines University, 0-2.
Sa pagkawala ng mga batikang point guards na sina Renz Subido, Billy Robles at Rian Ayonayon, inaasahan ni Coach Koy Banal na makakadagdag sa opensa ng Marinero sina Jackson at Manalang na naglaro noong Aspirants’ Cup para sa Gamboa Coffee Mix – St. Clare at AMA Online Education, ayon sa pagkakasunod.
Makakasama nila sa bagong-bihis na Skippers squad ang University of the Philippines versatile big man na si Javi Gomez-De Liano at dating pro-player na si Hans Thiele.
Hindi naman padadaig ang lima pang ibang koponan kontra sa Marinerong Pilipino sa six-team Foundation Cup cast na siyang pinakamababang bilang ng koponan sa walong taong kasaysayan ng D-League.
Inaabangang makabalik sa Finals ang Aspirants’ Cup runner up na Che’Lu Bar and Grill na pangu-ngunahan ng returnee na si Jeff Viernes kasama sina Jay-R Taganas, Chris Bitoon at Jordan Sta. Ana ng University of Sto. Tomas.
Balik kontensyon din ang Go For Gold na babanderahan nina Paul Desiderio ng University of the Philippines, Ron Dennison ng Far Eastern University, Vince Tolentino ng Ateneo at Matt Salem ng National University.
Hindi makakasali ngayon ang pambato ng Centro Escolar University na si Rod Ebondo habang inaasahang maglalaro na ang number 1 overall pick na si Owen Graham para sa AMA.
Samantala, matapos mangulelat noong Foundation Cup ay sabik ding makaganti ang Batangas-Emilio Aguinaldo College sa pangunguna nina Cedric de Joya at Earvin Mendoza.
Maglalaro ang lahat ng koponan sa double round robin elimination round kung saan ang top four na koponan ay papasok sa semi-finals para sa best-of-three series. Magsasagupa ang huling dalawang koponan sa mahabang best-of-five na Finals series para sa kampeonato ng Foundation Cup.