Bumangon ang Alaska

Si Globalport import Malcolm White laban kay Alaska import Antonio Campbell.
PBA Image

Sumosyo sa liderato

MANILA, Philippines — Hindi matatawaran ang puso ng mga Aces.

Bumangon ang Alaska mula sa 15-point deficit sa second period para resbakan ang Globalport, 109-103, at sumosyo sa liderato ng 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Umiskor si Vic Manuel ng 22 points para itaas ang baraha ng Aces sa 5-1 kapantay ang Rain or Shine Elasto Painters at TNT Katropang Texters, habang nahulog ang Batang Pier sa 3-4 marka.

“We just had a big second half. We came out a little bit of slope that we haven’t done in a long time,” sabi ni guard Chris Banchero, naglista ng 19 markers at 7 assists para sa Alaska. “Globalport is a tough team and they always play well against us.”

Nagdagdag naman si import Antonio Campbell ng 18 points kasunod ang 12 at 10 markers nina JVee Casio at Kevin Racal, ayon sa pagkakasunod, para sa Aces na hindi nakuha ang serbisyo ni Calvin Abueva.

Pinangunahan ni import Malcolm White ang Batang Pier mula sa kanyang 27 points kasunod ang 26, 16 at 12 markers nina Stanley Pringle, Sean Anthony at Kelly Nabong, ayon sa pagkakasalansan.

Mula sa 12-2 panimula ay ipinoste ng Globalport ang 15-point lead, 54-39 galing sa layup ni guard Nico Elorde sa huling 3:18 minuto ng second period.

Ilang beses nakalapit ang Alaska hanggang isalpak ni Manuel ang kanyang fastbreak basket para sa 82-81 abante nila sa natitirang 41 segundo ng third period.

Huling nakamit ng Batang Pier ang 90-87 bentahe mula sa three-point shot ni Pringle sa 9:55 minuto ng final canto kasunod ang inihulog na 18-3 bomba ng Aces para itayo ang 12-point advantage, 105-93, sa 2:45 minuto ng labanan.

Nakadikit ang Globalport sa 103-107 agwat sa natitirang 49 segundo buhat sa triple ni Anthony.

 

Show comments