Ravena ‘di makikita sa mga laro ng NLEX sa PBA
MANILA, Philippines — Bagama’t wala pang pormal na desisyon ang PBA ay ang NLEX na ang gumawa ng hakbang para kay rookie sensation Kiefer Ravena.
Sinabi ni coach Yeng Guiao na hindi niya paglalaruin si Ravena sa pagharap ng Road Warriors laban sa Blackwater Elite ngayong alas-4:30 ng hapon sa pagbabalik ng 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“As young as Kiefer Ravena is, he is a team leader and his teammates accept him as such,” wika ni Guiao sa isang statement. “Gusto kong malaman ng public that we are standing by him. He’s a good kid.”
Kamakalawa ay inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang ipinataw na 18-month suspension ng FIBA, ang international basketball federation, sa 24-anyos na rookie guard bilang miyembro ng Gilas Pilipinas.
Ito ay dahil sa nakitang banned substance sa kanyang urine test matapos ang isinagawang random drug test noong Mayo 22.
Sa sulat ng FIBA kay SBP president Al Panlilio ay dapat nagsimula ang suspensyon kay Ravena noong Pebrero 25 at matatapos sa Agosto 24 ng 2019.
Inamin ni Ravena na bago ang 89-84 panalo ng Gilas Pilipinas laban sa Japan noong Pebrero 25 para sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa MOA Arena sa Pasay City ay uminom siya ng workout drink na ‘Dust’.
Ang energy drink, ayon sa WADA (World Anti-Doping Agency) ay may mga banned substance na Dimethylbutylamine, Methylexaneamine at Higenamine.
Sa kanyang urine Sample A ay positibo si Ravena sa pagkakaroon ng naturang tatlong banned substances at maging sa urine Sample B.
“It’s very difficult to make actions right away and act on instinct,” ani Ravena.
“Kiefer has passed multiple drug tests conducted by the PBA since the time he joined the league, and has also passed previous tests conducted by the SBP and GAB. It was an honest mistake. We believe this does not reflect Kiefer’s character in any way,” pagtatanggol ng NLEX sa dating kamador ng Ateneo Blue Eagles sa UAAP.
Samantala, maghaharap naman ang nagdedepensang San Miguel at Phoenix sa alas-7 ng gabi.
Magpipilit ang Beermen na maitala ang una nilang panalo matapos ang tatlong sunod na kamalasan sa kabila ng pagpaparada kay import Renaldo Balkman bilang kapalit ni Troy Gillenwater.
- Latest