MANILA, Philippines — Burado ang mga dating rekords sa PBA All-Star matapos ang makasaysayang 2018 edition na ginanap sa tatlong magkakaibang siyudad.
Itinala ni Terrence Romeo ng TNT Katropa ang bagong scoring record sa All-Star na 48 puntos nang pangunahan ang Smart All-Stars sa dikit na 152-149 panalo kontra sa Luzon All-Stars noong Biyernes sa Batangas City.
Nalagpasan niya ang mga dating record nina Dylan Ababou at James Yap na pawang nagtala ng 44 puntos sa laban ng Rookies-Sophomores-Juniors kontra sa Veterans noong 2012 sa Laoag City, Ilocos Norte.
Dalawang araw ang nakalipas ay sumali naman sa record-breaking party si Calvin Abueva ng Alaska nang magtala ng halimaw na 41 puntos at 27 rebounds sa 141-157 kabiguan ng Smart Gilas sa Visayas All-Stars sa Iloilo City.
Ang 27 boards ni Abueva ang pinakamaraming rebounds na nahakot ng sinumang manlalaro sa 29-taong kasaysayan ng All Star. Ito rin ang kauna-unahang 40-20 game sa PBA All-Star.
Hindi naman nagpahuli ang iba pang malupit na guards na sina Jio Jalalon ng Magnolia at Jericho Cruz ng TNT na nagtala ng pambihirang triple-doubles.
Noong Biyernes sa Batangas City ay kumolekta ng triple-double na 12 puntos, 11 rebounds at 10 assists si Jalalon bago sundan ni Cruz ng 20 puntos, 14 rebounds at 11 assists noong Linggo sa Iloilo City.
Bunsod nito ay tanging sila pa lamang ang ikalawa at ikatlong player na nakapagrehistro ng triple-double kasunod ni Willie Miller (14 points, 12 rebounds, 10 assists) noong 2007 All-Star Game sa Baguio City.
“Itong All-Star naman, para talaga ito sa mga fans. Ang importante sa atin ay napapasaya natin ‘yung mga kababayan natin na minsan lang natin napupuntahan,” sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Sa mga side events naman ng All-Star ay may mga bagong kasaysayan ding naukit.
Si Beau Belga ng Rain or Shine ang unang big man na nagkampeon sa Obstacle Skills Challenge matapos daigin sina JP Erram ng Blackwater at Gabby Espinas ng San Miguel.
Sa three-point shootout naman ay si Yap ng Elasto Painters ang pinakamatandang nag-kampeon.
Huling nanalo noon pang 2009, nagtala ng 24 puntos sa final round ang 36-anyos na si Yap upang daigin ang mga mas batang karibal na sina Romeo at Stanley Pringle ng Globalport.
Nilipad naman ni Rey Guevarra ng Phoenix ang kanyang ikaapat na slam dunk title upang bumuntot kay Niño Canaleta ng Meralco na may limang kampeonato na siyang pinakamarami pa rin sa kasaysayan.
Tinalo ni Guevarra sa finals si Renz Palma.