Rondina-Pons mapapalaban sa PSL beach volley
MANILA, Philippines — Mapapalaban ng husto sina Cherry Ann Rondina at Bernadeth Pons ng Petron XCS sa tangkang masungkit ang ikalawang sunod na kampeonato sa Phi-lippine Superliga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup na magsisimula ngayong araw sa SM by the Bay Sands sa Pasay City.
Pasok sina Rondina at Pons sa Pool A kasama sina Danika Gendrauli at Nene Bautista ng Cocolife-A at 2017 runners-up Fiola Ceballos at Patty Jane Orendain ng Generika Ayala-A.
“Naka-bracket kami sa strong teams kaya kaila-ngan naming magtrabaho talaga para makakuha ng panalo. Mabigat ‘yung laban pero gagawin namin ang lahat para ma-defend ang title,” wika ni Pons.
Nasa Pool B naman sina Dhannylaine Demontano at Jackie Estoquia ng Sta. Lucia-A, Mylene Paat at April Aguilar ng Cignal-A at Sheeka Espinosa at Bang Pineda ng Generika Ayala-B, Pool C sina Caitlin Viray at Cecilia Bangad ng Smart, Nieza Viray at Jeziela Viray ng Foton at May Vivas at Jannine Navarro ng Cignal-B at Pool D Michelle Morente at Fritz Gallenero ng F2 Logistics, Marge Tejada at Alex Tan ng Cocolife-B, at sina Jonah Sabete at Bianca Lizares ng Sta. Lucia-B.
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang sa bawat pool ang uusad sa quarterfinals.
“Lahat ng teams competitive ngayon. Lahat naman nag-prepare for this league. Kami ang defending champions kaya kailangan naming maglaro with pride,” dagdag ni Pons.
Sina Rondina at Pons ang kumatawan ng bansa sa Singapore 2017 Southeast Asian Beach Volleyball Championships. (CCo)
- Latest