MANILA, Philippines — Bago pa man nailarga ang Hopeful stakes race ay nagkaroon na ng delay ang karera.
At lalo pa itong tumagal nang magkaroon muli ng panibagong scratch.
Nang ma-scratch ang Princess Eowyn na coupled runner ng kabayong Jacqueline ay nagkaroon na ng delay.
At may panibago pang delay nang ma-scratch ang Perlas Ng Silangan.
Nailarga rin ang naturang karera matapos na maialis na rin sa racetrack ang Perlas Ng Silangan na rerendahan sana ni Fernando M. Raquel Jr.
Sa pagkakawala ng Princess Eowyn, na isang mabilis umarangkada, ay napaboran ang Goldsmith na kaagad kinuha ang unahan.
Prente lang sa paghawak ng renda ang hineteng si Rodeo G. Fernandez kaya naman nakabuo ng sariling ayre ang kabayo niya at tumawid ng finish line na nag-iisa lang.
Ang naunang humahabol sa Goldsmith na Jacqueline ay biglang nawala at hindi pa nakakubra ng premyo.
Pumangalawa ang nagparemateng Disyembreasais na pinatungan ni Jordan B. Cordova kasunod ang Hamlet ni J.B. Hernandez, Tapster, Sheer at Fast Strider.
Ang panalo ay nangahulugan ng P600,000 unang premyo sa koneksyon ng Goldsmith na si C.T. Sison Jr., pati na ang P30,000 breeder’s purse.
Ang Disyembreasais naman ay mayroong P225,000, samantalang ang Hamlet na entry ni Leonardo M. Javier Jr., ay may P125,000.
Ang Tapster na dehadong pumasok sa ikaapat ay may P50,000 para sa owner niyang si Jaime C. Dichavez.
Sa mga three-year old locally-bred stakes race na nailarga sa unang karera ay mahusay na pinanalunan ng nagparemateng kabayong Jack Hammer na si Jonathan B. Hernandez.
Nasegundo ang The Barrister bago tersero ang Filipino Empero ni J.L. Paano at pang-apat ang naging paboritong Probinsiyano ni Mark A. Alvarez.
Sa sinundang karera ay ang dehadong Shout For Joy na ginabayan ni John Paul A. Guce ang sorpresang nanalo.
Dinaig ng Shout For Joy ang mas higit na inaasahang Headmastership na ginabayan ni Oneal P. Cortez at tersero lang ang naging paboritong Stockholm na si J.T. Zarate ang namatnubay. JMacaraig