MANILA, Philippines — Tila kinabahan pa ang mga may parating sa kabayong Corazon na pinatakbo ni Mark M. Gonzales sa pinakamataas na Group-9 sa tampok na karera.
Outstanding favorite maski saang bentahan ang may apat na taong babaeng alasang kabayo ay nagpahuli pa sa grupong sinalihan.
Bahagyang nag-improve ang puwesto ng Corazon sa pangatlo sa huli, samantalang ang mga banderistang Pinky’s Magic, Master Maker, Danel My Brother at Kaluguran ay mas nakasilip ng panalo dahil nasa unahang puwesto.
Sa malaking bahagi ng karera ay hindi pa rin napupuwesto man lang sa ikaapat ang Corazon gayundin ang second choice na All Too Well na si B.D. Fulgencio naman ang siyang sakay.
Sa huling kurbada ay ito nang dehadong Kaluguran na nirendahan ni Pat Dilema ang nangunguna.
At dito ay may malakas na pagremate ang Camorra gayundin ang All To Well.
Dito lamang sa pagkakataong ito nakasilip ng kaunting lugar ang Corazon na nakalusot sa may tabing balya.
Nangunguna na ang Corazon na siya namang pagremate ng All Too Well para kumuha ng ikalawang puwesto at tersero lamang ang Kaluguran.
Samantala, pinakaaabangan na rin ang gaganaping 2nd leg ng Local 4-year old & Above Stakes race sa karerahan naman ng Malvar-Tanauan, Batangas na Metro Turf.
Pitong kabayo rito ang nai-nominate ng kani-kanilang backers para tumakbo sa distansiyang 1,400 meters at may kabuuang papremyong P500,000.
Ang mga kabayo ay kinabibilangan ng Blue Berry na magdadala ng 54.5 kilos; Brennero na magdadala lang ng 51 kgs.; Eugene Onegin na 54.5 kgs; Heiress Of Hope na 52.5 kgs.; Lakan na 57.5 kgs; Son Also Rises na 57 kgs; at Song Of Songs na pinakamabigat na timbang na 58 kgs.
Ito ay ibinatay pa rin sa rating based handicapping 40-UP at may kabuuang papremyong P500,000 na paghahatian sa P300,000 sa kampeong, P112,000 sa segundo; P52,500 sa tersero at P25,000 sa fourth placer.
May breeder’s purse na P15,000. JMacaraig