Bigo na naman ang Gilas Cadets

MANILA, Philippines – Patuloy ang paglitaw ng kakulangan sa karanasan at ensayo ng all star cast na Gilas Pilipinas 23 for 23 World Cup sa idinaraos na 12th Filoil Flying V Pre-Season Premier Cup.

Ito ay matapos ang isa na namang kabiguan -- ikalawang sunod sa dalawang salang -- kontra naman ngayon sa bagong-bihis na De La Salle University, 72-91.

Kabubuo lang nitong buwan, hinahanap pa rin ng koponan ang chemistry dahil ang team ay selection ng pinakamagagaling na amateur players sa bansa.

Kumpara sa mga consistent at regular basketball programs ng mga University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) teams,  natural ang hirap ng bagitong Gilas bilang isang buong koponan.

Sa kanilang laban kontra sa La Salle, muling lumutang ang kakulangan sa chemistry nang lustayin ang malaking 20 puntos na kalamangan tungo sa mapait na 72-91 kabiguan.

Bunsod nito, nalasap ng Gilas Pilipinas 23 for 23 World Cup pool ang ikalawang sunod na kabiguan nito sa prestihiyosong torneo na nilalahukan ng 18 iba pang collegiate teams.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay yumukod din ang Gilas sa kampeon ng UAAP na Ateneo De Manila University bago nga ang pagkatalo sa runner-up naman na De La Salle.

Bumandera para sa Gilas ang international sensation na si Kobe Paras sa kanyang ibinuhos na 19 puntos habang may tig-14 puntos din sina Arvin Tolentino ng Far Easten University at Juan Gomez-De Liano ng University of the Philippines.

Samantala, nagkasya lamang si Ricci Rivero sa malamyang anim na puntos sa kauna-unahang pagharap niya sa dating koponan na Green Archers.             

 

Show comments