Sina Aiken, Celda, King ang nagdala sa Dyip

MANILA, Philippines – Nakahugot ng pinagsamang 77 points mula sa tatlong players, itinala ng Columbian Dyip ang kanilang ikalawang panalo.

Umiskor ng 28 points si import CJ Aiken kasunod ang 26 at 23 markers nina Reden Celda at Jerramy King, ayon sa pagkakasunod para idiretso ang Dyip sa 123-103 pagsagasa sa NLEX Road Warriors sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Nagdagdag sina Eric Camson at Rashawn McCarthy ng tig-13 points para sa 1-1 baraha ng Columbian.

“It’s against NLEX and Yeng Guiao, so I expected a grind, but we sustained our pace while maintaining our defense,” sabi ni Dyip head coach Ricky Dandan na nanggaling sa 103-116 kabiguan sa Meralco Bolts noong Miyerkules.

Tumipa naman si Jamaican  import Adrian Forbes ng 26 points para sa Road Warriors kasunod ang 20, 12 at 10 markers nina JR Quiñahan, Larry Fonacier at Juami Tiongson, ayon sa pagkakasunod.

Nagposte ang Columbian ng double-digit lead sa first period hanggang ibaon ang NLEX sa 60-43 abante mula sa four-point play ni McCarthy, naglista r/in ng 11 assists at 9 rebounds, kay rookie sensation Kiefer Ravena sa huling 1:44 minuto ng second period.

Hindi binitawan ng Dyip ang kanilang kalamangan sa third quarter bago nakalapit ang Road Warriors sa 90-101 agwat sa 6:50 minuto ng final canto ngunit  slam dunk ni Aiken ang nagbigay sa Columbian ng 20-point lead, 116-96, laban sa NLEX sa huling 3:06 minuto ng laban.

Show comments