Unahan sa win No. 1

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang nagdedepensang De La Salle University at Far Eastern University na makuha ang unang panalo sa paglarga ng UAAP Season 80 women’s volleyball best-of-three finals ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Magpapang-abot ang Lady Spikers at Lady Tamaraws sa alas-4.

Naisaayos ng La Salle at FEU ang paghaharap sa finals matapos mabilis na igupo ang kani-kanilang karibal sa semis.

Pinataob ng Lady Spikers ang National University sa iskor na 27-25, 25-22, 25-11 habang namayani naman ang Lady Tamaraws sa Ateneo de Manila University, 25-20, 25-21, 14-25, 25-19.

Magiging matibay na armas ng three-peat seeking La Salle ang malalim nitong karanasan dahil ito ang ika-10 sunod  na finals appearance ng tropa.

Sasandalan ng tropa sina dating Finals MVP Kim Kianna Dy, reigning season MVP Majoy Baron at Season 79 Finals MVP Desiree Cheng kasama sina Ernestine Tiamzon at Aduke Ogunsanya.

Kailangan din nina setter Michelle Cobb at libero Dawn Macandili na mag-click upang bigyan ng solidong plays ang mga attackers ng Lady Spikers.

Malalim ang bench ng La Salle dahil nariyan sina May Luna, Norielle Ipac at Carmel Saga sakaling sumablay ang ilan sa starting six.

“Itong finals mas exciting. Kung sino siguro mas may gusto or sino ‘yung may puso sa game, ‘yun siguro ang susuwertehin,” wika ni La Salle mentor Ramil de Jesus.

Sa kabilang banda, desidido ang Lady Tamaraws na tuldukan ang halos isang dekadang pagkauhaw sa titulo.

Huling nagkampeon ang FEU noong Season 70 sa pangunguna nina Rachel Anne Daquis at Maica Morada kung saan tinalo nila ang Adamson University sa finals.

Kaya naman handa ang buong komunidad ng Morayta na ibuhos ang lahat para maibalik sa kanilang teritoryo ang kampeonato.

Inaasahang ilalabas na ni Bernadeth Pons ang buong lakas nito upang bigyan ng magandang pagtatapos ang kaniyang collegiate career.

“Gusto ko na mag-iwan ng magandang memory sa FEU. Matagal na kaming hindi nagtsa-champion kaya gusto ko na iwan ‘yung legacy na isa ako sa nakatulong para makuha ulit namin ‘yung title,” ani Pons.

Maliban kay Pons, aasahan rin ng FEU sina opposite hitter Chin-Chin Basas, open spiker Heather Guinoo, middle hitters Celine Domingo at Jeanette Villareal at playmaker Kyle Negrito.

 

Show comments