MANILA, Philippines — Aminado si Columbian Dyip coach Ricky Dandan na pinanood ng Meralco ang kanilang panalo laban sa Blackwater noong Linggo.
Kaya naman inaasahan niyang gagawa si one-time PBA Grand Slam champion mentor Norman Black ng estratehiya sa kanilang bakbakan ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Blackwater at Phoenix sa alas-7 ng gabi sa 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“We’re up against a team that has been able to scout and prepare for us,” sabi ni Dandan sa pagharap ng kanyang Dyip sa Bolts.
Umiskor ang Columbian ng 126-98 panalo sa Blackwater na tinampukan ng career-high na 30 points ni Fil-Am guard Jerramy King.
Ang 28-point win ng Dyip, nagposte ng 22 steals, laban sa Elite ang all-time largest margin para sa kanilang prangkisa.
Muling tinapik ng Meralco si PBA Best Import Arinze Onuaku, nagposte ng mga averages na 18.7 points, 17.3 rebounds at 1.5 blocks sa 17 games noong 2016 edition ng torneo.
Sa tulong ng 6-foot-8 na si Onuako ay nakapasok ang Bolts sa semifinals.
“We worked on counters and adjustments. We’ll see how it goes,” ani Dandan.
Maglalaro naman para sa Meralco sina forward Cliff Hodge at big guard Jared Dillinger.
Sa ikalawang laro, muli namang aasahan ng Elite si balik-import Jarrid Famous na naglista ng 35 points at 22 rebounds sa kanilang kabiguan sa Dyip.
Itatapat ng Fuel Masters si import James White.