MANILA, Philippines — Posibleng nalalapit na ang pagtatanggal ni dating world four-division champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. ng kanyang boxing gloves.
Bagama’t ilang beses nakakonekta ng uppercut ay hindi ito naging sapat para talunin ni Donaire si dating world featherweight titlist Carl Frampton.
Binigo ni Frampton si Donaire via unanimous decision para sikwatin ang bakanteng World Boxing Organization interim featherweight belt kahapon sa SSE Arena sa Belfast, Ireland.
Kumolekta ang 31-anyos na si Frampton (25-1-0, 14 KOs) ng magkakatulad na 117-111 points para talunin ang 35-anyos na si Donaire (38-5-0, 24 KOs).
“First of all, always want to thank God for keeping me safe in that ring. Not taking anything away from Frampton. He is an amazing fighter, smart and a tough,” ani Donaire.
Ang panalo naman ang nagbigay kay Frampton ng tsansang hamunin si WBO title-holder Oscar Valdez (24-0-0, 19 KOs) na sinasabing balak iwanan ang kanyang titulo para umakyat sa mas mabigat na weight division.
Ang ilang right straight ni Frampton ang nagpamaga sa paligid ng kaliwang mata ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire sa second round.
Nakonekta naman si Donaire ng uppercut sa baba ni Frampton na nagpauga sa dating IBF at WBA featherweight king sa seventh round.
Dahil alam na may malaking bentahe siya sa puntos ay naging maingat na lamang si Frampton sa round 11 at 12 patungo sa kanyang panalo.
Hangad sana ni Donaire na makakuha ng title fight matapos mabitawan ang dating hawak na WBO super bantamweight crown kay Mexican Jessie Magdaleno noong Nobyembre ng 2016 sa undercard ng Manny Pacquiao-Jessie Vargas fight sa Las Vegas.
Galing si Donaire sa unanimous decision victory laban kay Ruben Garcia Hernandez para sa WBC silver featherweight title noong Nobyembre. (RC)