Vigan City, Philippines – Kagaya ng inaasahan, dinomina ng National Capital Region (NCR) sa ika-14th sunod na taon ang 2018 Palarong Pambansa sa kabuuang 100 gold, 70 silver at 50 bronze medals sa pagtatapos ng kompetisyon na ginanap sa Elpidio Quirino Sports Complex dito.
Karamihan sa kanilang produksyon ay mula sa swimming kung saan kumuha sila ng 25 gold at 12 sa athletics bukod pa sa gymnastics, badminton, lawn tennis, archery, basketball, baseball at football.
Pumapangalawa naman ang Calabarzon sa 55-50-73, ikatlo ang Western Visayas sa 46-45-55, pang-apat ang Central Visayas sa 26-25-36, kasunod ang Cordillera sa 25-22-23 at Northern Mindanao sa 23-18-29.
Itinanghal naman si Micaela Jasmine Mojdeh ng National Capital Region bilang most outstanding athlete matapos mag-uwi ng kabuuang anim na gintong medalya kabilang na ang dalawang bagong records sa swimming.
Dinomina ng 12-anyos na Filipino-Iranian na si Mojdeh ang Elementary girls 50-m butterfly, 200- individual medley, 100-m butterfly, 100-m breaststroke at kasama rin siya sa NCR tean na nagwagi sa 200-m medley relay at 400-m medley relay.
Hawak na rin ngayon ng estudyante ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque ang Palaro record sa elementary girls 200-m individual medley (2:33.12) at 100-m butterfly (1:06.9).
Nakasungkit din ng limang gintong medalya sa aquatics si Jalil Ephraim Taguinod ng Cagayan Valley mula sa elementary boys 50-m breaststroke, record-breaking performance sa 200-m individual medley, 50-m backstroke, 50-m freestyle at 100-m breaststroke.
Apat na ginto rin ang nakuha ni Mark Jiron Rotoni ng NCR mula sa secondary boys 200-m breaststroke, 100-m breaststroke, 200-m medley relay at 400-m medley relay.
Nakakuha rin ng tig-tatlo ang mga teammates sa NCR na sina Philip Joaquin Santos (secondary boys 200-m IM, 400-m medley relay, 800-m freestyle), Samantha Therese Coronel (secondary girls 100- backststroke, 200-m medley relay, 400-medley relay) at Zoe Marie Hilario (secondary girls 200-m IM, 400-m medley relay at 200-m freestyle).
Sa athletics, apat na ginto rin ang itinakas ng 17-anyos na si Jessel Lumapas ng Calabarzon mula sa 200-m dash, 4x400-meter relay, 100-m dash at 400-m run kung saan nagposte siya ng 56.28 upang lampasan ang dating 57.3-sec ni Jenny Rose Rosales ng Southern Tagalong noong 2011.
Ang teammate ni Lumapas na si 16-anyos Veruel Verdadero ay nag-uwi rin ng dalawang ginto mula sa boys 200-m dash, 100-m dash (10.55-sec) at bronze medal sa 400-m run (49.95).
Samantala, sabi ni Department of Education Undersecretary Tonisito Umali na may kabuuang 40 bagong records ang naitala sa 61th edisyon ng taonang paligsahan. Lima nito ay sa archery, 16 sa athletics at 19 sa swimming.