MANILA, Philippines – Maghaharap ang San Miguel-Alab Pilipinas at Mono Vampire Thailand sa best-of-five championship series ng 8th ASEAN Basketball League na magsisimula sa Linggo sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Dahil tumapos sa ikatlong puwesto ang Filipino team habang pang-apat lamang ang Mono Vampire sa parehong 14-6 win-loss kartada pagkatapos ng elimination round, nakuha ng tropa ni coach Jimmy Alapag ang 3-2 bentahe sa home and away finals.
Kaya ang unang dalawang sunod na laro ay gaganapin dito sa Pilipinas at ang susunod na dalawa ay gagawin sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand. Kung kakailanganin ang deciding fifth game ay mangyayari ito sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Mayo 2.
Nasungkit ng Mono Vampire ang ikalawang finals slot matapos walisin ang kanilang best-of-three semifinals kontra sa top seed Chong Son Kungfu China, 2-0 habang ang Filipino team ay nagwagi rin sa parehong 2-0 sweep laban sa nagdedepensang Hong Kong Eastern Lions sa ibang semis match.
Kinumpleto ni 7’5 Sam Deguara ang three-point play sa huling dalawang segundo para sa ikalawang sunod na panalo kontra sa koponan ng China, 83-80 noong Miyerkules kasunod naman sa kanilang 103-94 panalo sa Game One noong Abril 11.
Hindi nanalo ang Mono Vampire sa Alab Pilipinas sa dalawa nilang pagtatagpo nga-yong season. Tinambakan ng Alab Pilipinas ang Thailand team, 114-87 sa unang paghaharap sa Bangkok Stadium 29 noong Enero 14.
Sa ikalawa nilang paghaharap, wagi pa rin ang koponan ni Alapag, 76-74, sa Baliwag Star Arena sa Baliwag, Bulacan.
Gamit ang malupit na depensa nalimitahan ng Alab ang mga Thais sa mababang 36 percent shooting sa field goal sa 27-of-75 attempts kaya umiskor lamang ng 17 puntos at 12 rebounds ang 7’5 na si Sam Deguara at ang Pilipinong si Paul Zamar ay umani ng 20 puntos sa unang paghaharap.
Sa larong ‘yun, nagpaulan ang Filipino crew ng 14 triples sa mataas na 41 shooting sa three-point area kung saan umani si Justin Brownlee ng 29 puntos, 8 rebounds, 9 assists, 2 steals, 2 blocks habang si Renaldo Balkman ay tumulong ng 14 puntos, pitong rebounds at limang assist.
Bumawi naman si Balkman sa ikalawang pagtatagpo sa kanyang 31 puntos, 13 rebounds, 3 assists, 5 steals, 4 blocks at 16 mula kay Brownlee na may kasamang 12 rebounds, 8 assists, 4 steals at 5 blocks.