MANILA, Philippines — Nauna nang sinabi ni Michael Koncz, ang Canadian business manager ni Manny Pacquiao, na hindi na kinuha ng Filipino world eight-division champion ang serbisyo ni trainer Freddie Roach.
Ngunit kahapon sa isang Instagram post ay sinabi ni Pacquiao na wala pa siyang pinal na desis-yon tungkol sa muling pagkuha sa 58-anyos na si Roach para sa kanyang paghahamon kay Argentinian world welterweight king Lucas Matthysse.
“Contrary to statements which I personally did not make that are circulating in the media, I have not made my final decision who will be my head trainer for my July 14 fight with Matthysse,” paglilinaw ng 39-anyos na si Pacquiao.
“My advisor Mike Koncz has been in contact with Freddie’s people to keep them informed. I will make a final decision within the week. When that decision is made, Freddie will be the first one to be informed and then I will advise the media,” dagdag pa ng Senador.
Si Roach ang gumiya kay Pacquiao para sa una niyang world title nang patulugin si Lehlo Ledwaba sa sixth round para agawin sa South African ang suot nitong IBF super bantamweight crown noong 2001.
Sa likod ng Hall of Fame trainer ay hinirang si Pacquiao bilang tanging boksingerong nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions.
Kamakailan ay dinamdam ni Roach ang biglaang pagdispatsa sa kanya ni Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) para sa laban kay Matthysse (39-4-0, 36 KOs) sa Hulyo 15 (Manila time) Kuala Lumpur, Malaysia.
Samantala, nakatakdang dumating sa bansa si Matthysse bukas kasama si Oscar De La Hoya ng Golden Boy Promotions para sa kanilang two-city press tour na didiretso sa Kuala Lumpur sa Biyernes.
Inangkin ni Matthysse ang bakanteng WBA title via eighth-round knockout win laban kay Teerachai Kratingdaeng Gym ng Thailand sa The Forum sa Inglewood, California noong Enero.