MANILA, Philippines — Target ng top seed Batangas Athletics ang kauna-unahang titulo sa muling pagharap sa third seed Muntinlupa Cagers sa Game Three ng best-of-five cham-pionship series sa inaugural staging ng Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup sa Muntinlupa City Sports Complex.
Tangan ang 2-0 bentahe, kailangan na lang ng isang panalo ng tropa ni coach Mac Tan para masungkit ang top prize na Php1-milyon at 24-inch trophy mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao habang ang runner-up ay tatanggap ng mahigit Php 500,000.
“I told my players not to be complacent despite our 2-0 lead. Hindi pa tapos ang laban, it needs three games to win the title. Kaya kailangang we have to maintain the fire,” sabi ni coach Mac Tan ng Batangas.
Sa pangunguna nina Jhaymo Eguilos, Teytey Teopdoro at Van Acuna nakuha ng Athletics ang Game 1 (70-64) noong Abril 12 at sinundan ng 78-74 panalo sa Game 2 noong Sabado sa kanilang homecourt.
Tiyak na muli ring hahataw sina Mark Olayon, Jayson Grimaldo, Moncrief Rogado, Paul Varilla, Kier Quinto at Lester Alvares para sa Batangas.
Ngunit sa paglipat ng laro sa teritoryo naman ng Muntinlupa Cagers ngayon, inaasahan na babawi sila sa tulong ng home crowd kung saan pinatumba nila ang seventh seed Parañaque Patriots, 2-1 sa best-of-three semifinal series.
“Playing in our home court really gives a huge advantage. It’s would really boost the morale of the players. Kaya dito sa Muntinlupa inaasahan namin na maitabla pa ang laban. That’s our immediate concern,” sabi ni Muntinlupa coach Aldrin Morante.
Muling namang sasandal si Morante sa mga pambat niyang sina Chito Jaime, Allan Mangahas, Egay Billones, Andrei Stevens, Dave Moralde, Bernzon Franco, CG Ylagan, Chito Jaime at Felix Apriku.