MANILA, Philippines — Nagwagi ang top seed Batangas Athletics laban sa third seed Muntinlupa Cagers, 78-74 para masungkit ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-five chamzzpionship series sa inaugural staging ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Anta Rajah Cup sa Batangas City Coliseum.
Pinangunahan ni Jhaymo Eguilos at Val Acuña ang huling arangkada ng Athletics sa krusyal stretch ng laro para makamit ang ikalawang panalo kasunod sa kanilang 70-64 win sa opening game noong Huwebes sa kanilang home court din.
Hangad na ngayon ng tropa ni coach Mac Tan na walisin ang serye at makuha ang P1 milyon cash prize at 24-inch trophy mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao para sa kampeon. Ang runner-up ay makakatanggap din ng Php 500,000 pesos mula sa boxing icon na si Pacquiao.
Muling maghaharap ang Batangas at Muntinlupa sa Game Three bukas sa home court naman ng Cagers sa Muntinlupa Sports Complex.
“At least we have the big edge now. We will not be complacent in the next game. Kasi ‘yun kadalasan ang mangyayari dahil malaki na ang lamang namin kaya I’ll be warning my players against complacity. Hindi pa tapos ang laban, tuluy-tuloy pa dapat ang aming pagpupursige,” sabi ni Tan.
Umiskor si Eguilos ng 16-puntos habang tig-siyam na puntos naman bawat isa sina Acuña at Moncrief Rogado para sa Athletics na hindi pa nakatikim ng talo sa kanilang home court simula sa elimination round.
Ang dating Jose Rizal University Heavy Bombers na si Teytey Teodoro ay umani rin ng siyam na puntos kabilang na ang dalawang free throws mahigit 17 segundo na lang ang natitira.
Huling lumapit ang Muntinlupa 74-75 mahigit 28 segundo na lang ang nalalabi, ngunit ‘yun na lang ang huli nilang kapit dahil sa dalawang free throw ni Teodoro.
BATANGAS 78 – Eguilos 16, Acuña 9, Teodoro 9, Quinto 9, Rogado 9, Olayon 7, Varilla 6, Grimaldo 4, Santos 4, Alvarez 3, Villamor 2.
MUNTINLUPA 74 – Jaime 18, Mangahas 15, Moralde 15, Llagas 9, Buenaflor 6, Ylagan 5, Reverente 4, Apreku 2, Vergara 0, Salaveria 0, Stevens 0.
Quarterscores: 13-14, 38-24, 60-46, 78-74.