MANILA, Philippines — Bukod sa mga balik-imports ay dapat ding aba-ngan si Reggie Johnson ng Rain or Shine para sa darating na 2018 PBA Commissioner’s Cup na magsisimula sa Abril 22.
Naging miyembro ang 28-anyos na si Johnson sa mga title squad sa Netherlands at Mono Vampire ng Thailand sa Asean Basketball League kung saan hinirang siyang Most Valuable World Import noong 2016.
Sa kanyang paglalaro para sa Mono Vampire ay nagposte ang produkto ng University of Miami ng mga averages na 22.7 points at 10.8 rebounds nga-yong ABL season.
Noong Enero ay bigla niyang iniwanan ang Thailand team.
Bukod kay Johnson, ang iba pang bagong reinforcements na matutunghayan sa PBA Commissioner’s Cup na may height limit na 6-foot-10 ay sina Troy Gillenwater ng nagdedepensang San Miguel, Antonio Campbell ng Alaska, Arnett Moultrie ng NLEX at CJ Aiken ng Columbian Dyip, dating Kia.
Tinalo ng Beermen ang TNT Katropang Texters para sa korona ng torneo noong nakaraang taon sa likod ni PBA Best Import Charles Rhodes.
Magbabalik naman sa PBA sina Arinze Onuaku (Meralco), Malcolm White (Globalport), Shane Edwards (Ginebra), Jarrid Famous (Blackwater), James White (Phoenix) at Vernon Macklin (Magnolia).
Pansamantalang kinuha ng Gin Kings si Edwards, dating reinforcement ng Aces, habang hinihintay ang pagbabalik ni resident import Justin Brownlee mula sa kampanya sa San Miguel-Alab Pilipinas sa ABL.
Samantala, umiskor si Malcolm White ng 26 points para tulungan ang Batang Pier sa 97-91 panalo laban sa Fuel Masters, nakahugot kay James White ng 17 markers, kahapon sa kanilang tune-up game.