MANILA, Philippines — Nakatakdang bumalik sa bansa ang international sensation na si Kobe Paras upang maging bahagi ng Gilas Pilipinas 23 for 2023 World Cup pool para sa nalalapit na 2018 FilOil Premier Cup sa 21 ng Abril.
Iyan ang inanunsyo ng national team supporter na Chooks-To-Go kamakalawa ng gabi sa kanilang opisyal na social media account.
Bahagi ang 20-anyos na si Paras ng naturang Gilas pool na lalaban sa 18 pang ibang koponan mula University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association.
Inaasahan ni Coach Chot Reyes na kaagad sasama ang 6’6 na si Paras pagdating ngayong weekend sa ensayo ng koponang naghahanda para sa kanilang unang laban sa opener kontra sa kampeon ng UAAP na Ateneo Blue Eagles sa Abril 21.
Nagsimula na noong Lunes ang paghahanda ng Gilas cadets na itutu-ring na seryosong torneo ang Filoil lalo’t makakasagupa nila ang pinakamagaga-ling na collegiate teams. Magiging basehan din ito para sa koponan kung sino ang mga maaaring ipadala sa nalalapit na ring William Jones Cup.
Magugunitang noong nakaraang buwan lamang ay inanunsyo ni Paras na hindi na siya magpapatuloy sa California State Northridge sa US National Collegiate Athletic Association (NCAA) Division I bagkus ay ihahanda na ang sarili sa kanyang pagsalang sa professional basketball doon.
Ngunit sa ngayon, mukhang maghihintay muna ang pangarap na iyon ng anak ni Philippine Basketball Association (PBA) legend Benjie Paras dahil sa tawag ng pambansang koponan.
Noong nakaraang taon ay makailang ulit na naglaro para sa bayan si Paras tulad na lamang sa 2017 International Basketball Federation (FIBA) 3x3 World Cup sa France, Jones Cup sa Taiwan at Southeast Asian Games (SEAG) sa Malaysia kung saan nagwagi ng ginto ang Pilipinas.
Ngayon, bukod sa Filoil Cup ay inaasahan ding maglalaro ulit si Paras sa 3x3 team ng Pinas para sa nalalapit na 2018 FIBA 3x3 World Cup na dito gaganapin gayundin sa paparating na Jones Cup.
Tinitingnan din ang posibilidad ng paglahok ni Paras sa seniors’ team ng Gilas para sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers Third Window sa Hulyo at sa 2018 Asian Games sa Agosto.