MANILA, Philippines — Uumpisahan ng top seed Batangas Athletics at No. 3 seed Muntinlupa Cagers ang kanilang best-of-five Finals series sa Game One ngayon ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup sa Batangas City Coliseum.
Inamin ni coach Mac Tan ng Batangas at coach Aldrin Morante ng Muntinlupa na halos patas ang laban at lahat ay depende na sa “breaks of the game” sa kanilang pagtatagpo sa alas-7 ng gabi.
Bilang top seed pagkatapos ng elimination round, tangan ng Batangas ang advantage sa serye kaya tatlong laro ang gaganapin sa kanilang homecourt habang dalawa lamang sa Muntinlupa sa 2-2-1 format.
“Sa palagay ko naman, halos patas ang finals namin walang nakakalamang man-for-man. Ang advantage lang namin ay ang suporta ng crowd doon sa homecourt namin pero pag-lipat sa Muntinlupa, sila na naman ang may crowd,” sabi ni Tan.
Inangkin ng Muntinlupa ang huling finals berth matapos pataubin ang Parañaque Patriots, 81-70 sa Game Three ng best-of-five semifinal series noong Martes para sa 2-1 panalo sa serye.
Umabot sa rubber match ang serye matapos sa panalo ng Muntinlupa, 66-56 sa Game Two noong Sabado, pambawi sa 59-84 pagkatalo sa Game One noong Abril 5.
Winalis naman ng Batangas ang No. 4 seed Valenzuela Classics, 2-0 sa semis para masungkit ang unang Finals slot noong Sabado.
Ang mananalo sa Finals ay makakatanggap ng Php 1 milllion cash at 24-inch trophy mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao habang ang runner-up ay bibigyan ng mahigit Php 500,000 mula sa boxing icon.
“We are very excited to be in the first finals of the MPBL. Our players worked hard for it, they want to win and they deserved it. We promise to put up a good fight. Lalaban kami hanggang sa huling segundo ng serye,” ayon naman kay Morante.
Umani si Dhon Reve-rente ng double-double figures para sa Cagers sa kanyang 12 puntos at 12 rebounds habang si Allan Mangahas ay umiskor ng 18 puntos, anim na rebounds at limang assists at 11 puntos naman mula kay Felix Apreku upang tumuntong ang Muntinlupa sa championship sa inaugural staging ng home and away league. (FCagape)