Basketball at pag-aaral, pinagsabay ni Sotto
MANILA, Philippines — Hindi lamang basta naglaro para sa bayan si Kai Sotto sa katatapos lang na 2018 International Basketball Federation (FIBA) Asia Under-16 Championship.
Bagkus, tuluy-tuloy ang kanyang pag-aaral.
Iyan ang kamangha-manghang istorya ng 15-anyos, 7’1 na si Sotto matapos ang kanyang mahirap na kampanya sa Foshan, China.
Dahil sa kanyang summer class sa Ateneo High School, si Sotto lamang ang tanging Batang Gilas na pinayagang gumamit ng gadget sa kanilang kampanya sa FIBA Asia upang makapagpasa ng mga takdang aralin online.
Pinagsabay niya ang basketball at academics.
At sa pambihirang pagkakataon, pareho niya itong napagtagumpayan. Nagawa niya at naipasa ang mga takdang aralin sa takdang oras at iginiya ang Batang Gilas sa ikaapat na puwesto sa buong Asya upang makasiguro ng tiket sa FIBA World Under-17 Championship na gagawin sa Argentina sa Hunyo.
“Hindi easy na gawin iyon. Siyempre pumunta kami ng China para mag-focus sa Gilas. Pero nag-focus lang ako sa dapat kong gawin. Basketball at studies lang muna,” ani Sotto sa ginanap na homecoming party para sa Batang Gilas na inor-ganisa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at Chooks-To-Go na backer ng pambansang koponan noong Martes ng gabi sa Crowne Plaza Hotel sa Pasig.
Bukod dito, nagtapos din si Kai Sotto bilang isa sa pinakamagaling na manlalaro ng torneo.
Bahagi siya ng Mythical First Team at siyang pinakamagaling na sentro matapos ngang magrehistro ng 21.5 na efficiency rating bukod pa sa 16.8 puntos, 13.5 rebounds at 2.5 blocks.
“Sobrang saya. Si-yempre nagpapasalamat ako sa mga coach ko, siyempre sa mga teammates ko, kahit pagod na. Pinaramdam nila na andyan sila para sa akin at sa lahat,” dagdag niya.
Sa pagtatapos ng kanilang misyon sa Asya, mas mahirap at mas malaking misyon ang nakaamba sa kanila sa World Cup na sinisigurado naman ni Sotto na paghahandaan nila.
“Lahat kami dapat mag-improve. Ine-expect ko na lahat kami, matsa-challenge talaga pero hindi kami magba-backdown. Paghahandaan talaga namin,” pagtatapos niya. (ADimasalang)
- Latest