NEW YORK — Isa na namang Central Division title para kay superstar LeBron James at sa Cleveland Cavaliers.
Kumolekta si James ng 26 points at 11 assists, habang tumipa si Kevin Love ng 28 markers para akayin ang Cavaliers sa 123-109 panalo laban sa Knicks.
Ito ang ika-50 panalo ng Cavaliers at kalahating laro na lamang ang agwat sa Philadelphia 76ers para sa No. 3 spot sa Eastern Conference.
Naiposte ng Cleveland ang pang-50 panalo sa ikaapat na pagkakataon sa huling apat na seasons matapos bumalik si James mula sa Miami Heat at ika-11 sa franchise history.
Umiskor naman sina J.R. Smith at Fil-Am guard Jordan Clarkson ng tig-16 points para sa Cavaliers, nagsalpak ng 19 three-pointers at nanalo sa ika-siyam na sunod na pagkakataon sa Madison Square Garden.
Naglista si Michael Beasley ng 20 points para sa Knicks sa kanilang final home game ngayong season, habang nag-ambag si rookie Frank Ntilikina ng career-high 17 markers na iniskor din ni Courtney Lee.
Sa San Antonio, kumamada si Rudy Gay ng 18 points at nagdagdag si Manu Ginobili ng 17 markers para tulungan ang Spurs sa 98-85 panalo laban sa Sacramento Kings at pitasin ang kanilang ika-21 sunod na postseason appearance.
Nagtala ang Sacramento, nauna nang nasibak sa postseason noong March 11, ng 14-point lead bago nalimitahan sa 19 points sa fourth quarter kung san umiskor ang San Antonio ng 38 markers.
Sa Los Angeles, nagposte si Anthony Davis ng 28 points at tumapos si Nikola Mirotic na may double-double para pangunahan ang New Orleans Pelicans sa 113-100 panalo laban sa Clippers at ibulsa ang una nilang playoff berth sa huling tatlong taon.
Nagsumite si Mirotic ng 24 points at 16 rebounds para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Pelicans.
Ito ang ikalawang playoff appearance ng New Orleans sa nakaraang pitong taon at ginawa nila ito nang wala si big man DeMarcus Cousins, nagkaroon ng season-ending Achilles injury noong Enero 28.
Nagrehistro naman si Sindarius Thornwell ng 20 points mula sa bench, samantalang kumolekta si DeAndre Jordan ng 15 rebounds para sa Los Angeles.
Nag-ambag si Montrezl Harrell ng 15 points para sa Clippers, natalo sa ikatlong sunod na pagkakataon at tuluyan nang nasibak sa playoff contention.
Sa Minneapolis, nagsalpak si Karl-Anthony Towns ng 24 points at humakot ng 18 rebounds para banderahan ang Minnesota Timberwolves sa 113-94 panalo kontra sa Memphis Grizzlies at makalapit sa tiket sa playoffs.
Nagpasabog si Jeff Teague ng 24 points at nagdagdag si Jimmy Butler ng 15 markers para sa Timberwolves, nakabangon mula sa 10-point deficit para iposte ang 98-83 bentahe sa fourth period at tuluyan nang resbakan ang Grizzlies.
Nauna nang tinalo ng Memphis ang Minnesota, 101-93, dalawang linggo na ang nakakalipas.
Pinangunahan ni Ben McLemore ang Grizzlies mula sa kanyang 18 points.