MANILA, Philippines — Dinastiya na ang ipinapamalas ng San Miguel Beer ngayon matapos masikwat ang kanilang ikaapat na sunod na titulo sa PBA Philippine Cup.
Ngunit sa kasamaang palad para sa iba pang 11 koponan ay hindi ito nakikitang magtapos sa malapit na hinaharap lalo na sa nagbabadyang pagdating ng isa pa nilang kasanggang higante.
Iyon ay ang 6-foot-8 Filipino-German sensation at top overall pick ng 2017 PBA Rookie Draft na si Christian Standhardinger na nakatakdang dumagdag sa napakalakas na puwersa ng San Miguel sa susunod na buwan.
Kasalukuyan pang naglalaro si Standhardinger sa Hong Kong Eastern Lions sa 2018 Asean Basketball League na inaasahang magtatapos sa Mayo.
Bagama’t magsisimula na ang Commissioner’s Cup sa Abril 22 kung saan ang Beermen din ang nagdedepensang kampeon, hindi pa magkakaroon ng laro ang SMB hanggang sa Mayo upang mapagbigyan ng pahinga bunsod ng katatapos pa lamang ng All-Filipino Conference.
Ibig sabihin ay magiging eksakto ang pagdating ni Standhardinger upang bumuo ng pambihirang triple tower kasama sina 6’10 at four-time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo at 6’9 na si import Troy Gillenwater.
“The team is excited sa pagdating ni Christian. Iwe-welcome namin siya nang buong-buo. Sabi nga nila, it will become a problem in our team in terms of chemistry. Sabi ko, probably, but it is a good problem,” ani head coach Leo Austria.
Sa katunayan, maganda itong problema dahil ang tingin ng ibang koponan ay dalawa ang imports ng SMB dahil sa pagdating ni Standhardinger, nagtala ng mga averages na 23.1 points, 11.7 rebounds, 2.4 assists at 1.5 steals sa ABL.
“Now we have two imports, from Hong Kong and US,” pagbibiro ni Austria kina Standhardinger at Gillenwater.