Nakatikim din ng titulo si Lanete

Chico Lanete

MANILA, Philippines — Sa wakas matapos ang 11 taon, nahagkan din ng beteranong guwardiya na si Chico Lanete ang kanyang kauna-unahang kampeonato sa Philippine Basketball Association.

Ito ay matapos daigin ng San Miguel ang kari-bal na Magnolia, 108-99 sa epikong double overtime sa Game 5 upang masikwat ang makasaysa-yang ikaapat na sunod na titulo sa Philippine Cup.

At bagama’t ito na rin ang ikaanim na kampeo-nato ng SMB sa nakalipas na apat na taon, ito pa lamang ang una para sa 38-anyos na si Lanete.

Bago ang araw na kailanman ay hindi niya pina-ngarap na mangyayari pa, si Lanete ang pinakamatandang aktibong manlalaro na wala pang titulo sa PBA.

“Sobrang saya ko kasi sa 11 years ko sa PBA, nakatikim din ako ng championship,” ani Lanete matapos ang dugout celebration ng SMB kung saan naranasan niya ring maligo sa alak at serbesa sa kauna-unahang pagkakataon. “Overwhelmed lang talaga ako. Wala. Wala akong masabi. Sobrang saya lang talaga.”

Noong nakaraang taon, halos mawalan na ng pag-asa si Lanete matapos hindi dugtungan ang kanyang kontrata sa Phoenix.

Nawalan siya ng koponan at muntikan nang isuko ang pangarap na makapagkamit ng kampeonato.

“Nung wala akong team, naisip ko hindi na siguro ako makakatikim ng championship ever.”

Ngunit bumukas ang langit para sa kanya nang mapagbigyan ng pagkakataon sa tryout sa San Miguel sa kanilang natitirang roster spots ngunit tila isang mirakulong naganap, nakapasok si Lanete.

“Tumawag ang SMB sa akin. Nagkaroon ako bigla ng chance,” pag-amin niya habang ginugunita ang pambihirang araw ng himala. Kako, ‘uy baka may chance na ako kasi syempre San Miguel eh’.”

At nang tuluyang maisakatuparan ang 11-taon niyang hinihiling na kampeonato sa pagtunog ng final buzzer, hindi pa rin makapaniwala si Lanete sa pagtatapos ng kanyang matagal na paghahanap.

Show comments