WASHINGTON — Nasabik si Washington head coach Scott Brooks sa pagbabalik ng tinatawag niyang ‘Ferrari’.
Ngayon ay handa na ang Wizards sa playoffs.
Kumolekta ang nagbabalik na si All-Star point guard John Wall ng 15 points at 14 assists sa una niyang laro sa loob ng dalawang buwan, habang naglista si Otto Porter Jr. ng 26 points at 11 rebounds para pamunuan ang Washington sa 107-93 paggiba sa Charlotte Hornets.
Ang panalo ang nagbigay sa Wizards ng kanilang ikaapat na playoff berth sa huling limang seasons.
“That Ferrari is pretty good,” wika ni Brooks kay Wall. “He got a lot of open shots for a lot of players. That’s what he does at the highest level in the league.”
Huling naglaro si Wall noong Enero 25 at sumailalim sa left knee surgery.
“It was good to see my first shot go in,” sabi ni Wall.
Nagdagdag si Bradley Beal ng 22 points at nagsalpak ng 6-of-8 shooting sa three-point line para sa kabuuang 18 triples ng Washington para pantayan ang kanilang franchise record.
Humakot si Dwight Howard ng 22 points at 13 rebounds sa panig ng Charlotte, naisuko ang huling dalawang laro matapos magtala ng four-game winning streak.
Sa Boston, tumipa si Marcus Morris ng 25 points at 9 rebounds bago nasibak sa laro sa 110-99 panalo ng Boston Celtics kontra sa Eastern Conference-leading na Toronto Raptors.
Nag-ambag si Jayson Tatum ng 24 points, 6 rebounds at 4 assists para sa ikaanim na sunod na ratsada ng Boston at makalapit sa Toronto para sa top seed sa East.
Humataw si DeMar DeRozan ng 32 points, 7 rebounds at 7 assists, habang kumolekta si Serge Ibaka ng 15 points at 10 rebounds para sa Raptors.
Sa Sacramento, nagsumite si Kevin Durant ng 27 points, 10 rebounds at 5 assists sa kanyang unang full game matapos ang rib injury para pagbidahan ang Golden State Warriors sa 112-96 panalo laban sa Kings.
Naglaro si Durant noong Huwebes laban sa Milwaukee Bucks ngunit napatalsik bago ang halftime dahil sa pagmumura sa mga opisyales.
Nakita din sa aksyon si All-Star Klay Thompson at umiskor ng 25 points para tapusin ang three-game losing skid ng Golden State.