3 sunod na ang Marinero

Si Michael Canete ng AMA Online laban kina Gab Banal at Alvin Pasaol ng Marinerong Pilipino.
PBA D-League Photo

MANILA, Philippines — Nakopo ng Marinerong Pilipino ang kanilang ikatlong sunod na panalo makaraang pataubin ang AMA Online Education, 109-93 kahapon sa 2018 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Pasig Sports Center.

Sinimulan ng Skippers ang laban sa pamamagitan ng 7-0 run na pinaabot nila sa 20-puntos na kalamangan, 36-16 sa pagtatapos ng first quarter. Mula doon, ‘di na sila muli pang lumingon upang maangkin ang pang-apat na tagumpay matapos ang anim na laban.

Pinangunahan ni Gab Banal ang nasabing panalo ng Skippers makaraang magtala ng 20-puntos, 14-rebounds at apat na assists.

Sinundan naman siya ni Rian Ayonayon na nag-ambag ng 18 puntos, anim na rebounds, limang assists at apat na blocks.

“The key here is understanding what we want to do, what we want to achieve. Everything just fell into place,” pahayag ni Marinerong Pilipino coach Koy Banal.

Namuno naman para sa Titans na bumagsak sa ika-4 nilang kabiguan sa loob ng limang laban ang bagong recruit na si Arvin Tolentino na may 18 puntos at 8 rebounds.

Sa ikalawang laro, nakatikim na rin sa wakas ng panalo ang Batangas-Emilio Aguinaldo College makaraang talunin ang Jose Rizal University, 81-71.

Nagpakita ng balanseng atake ang Generals, sa pamumuno ni Cedric Ablaza na nagposte ng 16 puntos, 11 rebounds, 3 assists at 2 blocks.

“We’ve been wanting to win and we’re very thankful that we’re able to execute our gameplan well. What more can I ask for,” pahayag ni Generals coach Ariel Sison sa kanilang panalo pagkaraang mabigo sa unang apat na laro.

Tumapos namang may tig-11 puntos sina Jerome Garcia, Cedric De Joya at Earvin Mendoza para sa Generals. 

“We hope this won’t be the last,” dagdag pa ni Sison. “I hope we sustain this.”

Nanguna naman si Jeckster Apinan at Kris Porter para sa Heavy Bombers na kapwa umiskor ng tig-16 puntos. FML

Show comments