Lady Bulldogs sinolo ang liderato

Binigyan ni Jaja Santiago ng NU sina Aduke Ogunsanya at Des Cheng ng La Salle.
PM photo ni Joven Cagande

MANILA, Philippines — Nasolo ng National University ang liderato matapos silatin ang nagdedepensang De La Salle University, 26-24, 19-25, 22-25, 25-17, 16-14 sa pagpapatuloy ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nanguna ang national mainstay na si Jaja Santiago para sa Lady Bulldogs sa kanyang 27 puntos buhat sa 20 attacks, apat na blocks at tatlong aces tungo sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.

Bumagsak ang Lady Spikers sa ikalawang puwesto matapos lumasap ng unang kabiguan sa apat na pagsalang (3-1).

“Talagang mataas ang morale namin dahil alam naming defending champions sila tapos maganda ang sistema nila kaya mahirap talaga silang talunin. Sobrang saya namin dahil natapatan namin ‘yung system nila,” wika ni Santiago.

Sa pagtatabla ng laro sa 14-all, humataw si Santiago ng quick play na sinundan ng service ace ni Aiko Urdas para makuha ng Lady Bulldogs ang panalo.

“I’m happy that we were able to overcome it (La Salle system). Medyo hirap kami dahil sampu lang kami sa team pero nakita ko sa training yung determination ng mga bata na manalo,” ani NU mentor Babes Castillo.

Samantala, umiskor si Sisi Rondina ng 22 puntos para iangat ang University of Santo Tomas Lady Tigresses sa straight sets panalo kontra sa Adamson Lady Falcons, 25-9, 31-29, 25-19 sa ikalawang women’s match.

Umani rin si Rondina ng apat na aces, isang blocks at 17 atake para sa four-way tie sa ikatlong puwesto kasama ang kanilang biktimang Lady Falcons, Ateneo Blue Eagles at FEU Lady Tamaraws sa parehong 2-2 win-loss card.

Sa men’s division, pinatumba ng NU ang La Salle, 27-25, 25-18, 25-20 upang sakmalin ang kanilang ikatlong panalo sa apat na laro.

Nanguna si Bryan Bagunas nang magtala ng 16 puntos katuwang sina James Natividad at Fauzi Ismail na parehong gumawa ng 12 markers para sa Bulldogs.

Nanalo rin ang University of Santo Tomas laban naman sa Adamson, 25-20. 25-21, 14-25, 25-22, para saluhan ang NU sa No. 2 spot tangan ang 3-1 marka. Bagsak ang Adamson sa 1-3.

Show comments