Lady Chiefs ipagtatanggol ang titulo versus Red Spikers
MANILA, Philippines — Nakatakdang simulan ng defending women’s titlist Arellano University ang pagtatanggol sa kanilang titulo kontra sa challenger nilang San Beda College sa pagbubukas ngayong hapon ng NCAA Season 93 volleyball finals sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.
Maghaharap ang Lady Chiefs na target ang back-to-back championship at ikatlong pangkalahatan nila sa liga, at ang Lady Red Spikers sa alas-4:00 ng hapon pagkatapos ng sariling best-of-three finals sa men’s division sa pagitan ng Arellano Chiefs at ng outright finalists na University of Perpetual Help sa ika-2:00.
Matinding hamon para sa Lady Red Spikers na sa unang pagkakataon ay umabot ng finals, ang pagsagupa sa Lady Chiefs na pawang mga beterano at may taglay na malaking bentahe pagdating sa championship experience.
Sa panig naman ng Arellano, sisikapin nilang makamit ang inaasam na back-to-back title at nakahanda na silang sumalang uli sa finals.
“Buong season, ito talaga ang pinaghirapan namin. Alam namin na kaya naming makabalik sa Finals, kailangan lang pagtrabahuhan at mag-focus,” ani Arellano head coach Obet Javier.
“Ngayon nag-focus na kami sa championship. Hopefully, pumabor sa amin,” dagdag pa nito.
Muling sasandigan ni Javier para muling mamuno sa kanilang finals campaign sina Jovielyn Prado, Regine Arocha, Rookie of the Year Nicole Ebuen at setter Sarah Verutiao.
Sa kampo naman ng San Beda, tiwala naman si coach Nemesio Gavino na malaki ang kanilang tsansa.
“Proud ako sa mga bata kasi marami talaga kaming pinagdaanan na challenges. Hindi pa kami tapos dito kasi alam na-ming kaya pa mag-champion,” ayon kay Gavino makaraang magwagi sa Final Four match nila ng Perpetual. (FML)
- Latest