BOSTON – Sa gabi kung saan ireretiro ang No. 34 jersey ni Paul Pierce ay ibinandera ng Cleveland Cavaliers ang kanilang mga bagong hugot.
Kumamada si LeBron James ng 24 points, 10 assists at 8 rebounds para pa-ngunahan ang Cavaliers sa 121-99 paggiba sa Celtics.
Nagdagdag naman si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 17 points habang may 15 at 12 markers sina Rodney Hood at George Hill, ayon sa pagkakasunod at tumapos si Larry Nance Jr. na may 5 points.
“I know the guys that are here are very excited about this opportunity,” wika ni James. “It’s my job to as the leader of this team to make sure that I acclimate the new four guys to be around a culture that’s built around winning.”
Nakipag-ensayo ang apat sa Cleveland noong Sabado matapos ang nangyaring three-team trade ng Cavaliers sa Los Angeles Lakers at Utah Jazz.
“All of our new guys performed and played well,” ani Cleveland coach Tyronn Lue. “So that’s a good sign.”
Wala nang nagawa si Pierce, nakaupo sa courtside at nakasibilyan, kundi ang panoorin ang kabiguan ng dati niyang koponan.
Tumipa si James ng 13 points sa second quarter — ang walo dito ay bahagi ng 13-2 ratsada na nagbigay sa Cleveland ng double-digit lead mula sa one-point deficit sa Boston.
Ipinoste ng Cavaliers ang 27-point lead sa fourth period at nagsimulang sumigaw ang mga fans na “We want Paul Pierce!”
Ngunit nanatili si Pierce sa baseline seat at hinihintay ang postgame ceremony kung saan itataas ang kanyang No. 34 sa TD Garden rafters — ang ika-23 player sa history ng most-decorated franchise ng NBA.
“It definitely gave me chills, especially with LeBron out there,” sabi ni Pierce sa mga reporters. “I wanted to be out there.”