FEU Booters pasok sa UAAP football finals
MANILA, Philippines — Dinikdik ng defending champion Far Eastern University-Diliman ang Ateneo de Manila 9-0 noong Linggo para makasalta uli sa kampeonato ng UAAP Season 80 juniors football tournament na idinaos sa Rizal Memorial Football Stadium.
Umiskor ng goal sina Kieth Absalon, Gio Pabualan, Andrei Sabrejon, Pete Forrosuelo, John Angelo Reoyan, Nikko Caytor at Viejay Frigillano para sa nasabing panalo ng Baby Tamaraws.
Nagnanais na makamit ang kanilang ikawalong titulo sa liga, pinatatag ng FEU-Diliman ang pagkakaluklok nila sa ibabaw ng team standings matapos lumikom ng kabuuang 19-puntos.
Sa iba pang laro, iginupo naman ng National University ang University of Santo Tomas, 2-1 upang ma-panatiling buhay ang tsansang umabot ng finals.
Ipinasok ni Khenn Francis Taala ang nagsilbing winning goal ng laban para sa Bullpups sa 38th minute.
Tinapos ng Bullpups na ngayong season lamang lumahok sa torneo ang elimination round na may 16 puntos.
Maaaring makapasok ang Bullpups sa finals kung matatalo ang De La Salle Zobel o kaya’y tatapos lamang ng draw kontra sa FEU sa huling laban nila sa Linggo.
Mayroong malaking goal differential kontra sa Bullpups ang Junior Archers kaya kung magwawagi sila sa Baby Tamaraws, sila ng huli ang magtutuos sa Finals na gaganapin sa Pebrero 3. (FML)
- Latest