Lady Chiefs nagsolo sa liderato
MANILA, Philippines — Muling nagningning ang performance ng roo-kie na si Nicole Ebuen matapos niyang panguna-han ang paggapi ng Arellano University sa kanyang dating paaralang Letran para manatiling malinis ang record ng Lady Chiefs upang masolo ang pamumuno sa women’s division ng NCAA Season 93 volleyball tournament.
Isang oras at dalawang minuto lamang ang kinailangan ng Lady Chiefs para pataubin ang Lady Knights, 25-17, 25-17, 25-12 kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Ang tagumpay ang ikatlong sunod para sa Arellano na nagpalawig sa kanilang winning streak sa 15 games na nagsimula noon pang nakaraang season.
“Siguro lumabas pa rin ‘yung pinag-ensayuhan namin. Siguro talagang seryoso na sila sa pinag-usapan namin na kailangan naming i-defend ang title,” pahayag ni Arellano University coach Obet Javier.
Lumipat buhat sa Letran Team B si Ebuen na nagtala ng game-high na 11-puntos para sa Lady Chiefs bukod pa sa walong digs.
Nagposte din ng 11-puntos si Regine Arocha na kinabibilangan ng 7 attacks at 4 service aces para sa Arellano na ginamit na rin sa wakas ang kanilang setter na si Rhea Ramirez.
Ipinasok ang reigning Best Setter na si Ramirez sa second at third sets.
Bunga ng pagkabigo, bumaba ang Lady Knights sa 1-2 panalo-talo.
Sa ikalawang laro sa women’s division, nagpatuloy ang magandang laro ni Maria Shola Alvarez para pamunuan ang Jose Rizal University sa kanilang ikalawang sunod na straight sets win, 25-20, 25-16, 25-16 kontra sa Emilio Aguinaldo College.
Nagposte ang graduating hitter na si Alvarez ng 24 puntos, 22 dito ay pawang kills para iangat ang Lady Bombers’ sa markang 2-1 panalo talo.
Nag-ambag din si Alvarez sa depensa matapos umiskor ng 11 digs at 8 excellent receptions.
“I think talagang malaking factor siya sa panalo laban sa San Sebastian. At least ‘yung mga girls nga naniniwala na kaya na nilang mag-compete,” ani JRU coach Mia Tioseco. “I guess mas aggressive na sila. Hopefully, step by step magtuluy-tuloy ang panalo.”
Dahil sa kabiguan, lalong nabaon sa ilalim ang EAC na bumagsak sa barahang 0-3.
Samantala, napanatili din ng Chiefs ang malinis nilang baraha matapos talunin ang Knights, 25-16, 25-12, 25-15, sa men’s division.
Nakaiwas naman ang Letran sa shutout sa pamamagitan ng Squires makaraan nitong gapiin 25-23, 25-21, 21-25, 25-20, ang Braves sa juniors play.
- Latest