MANILA, Philippines — Ang pinakahihintay na Congressman JB Bernos International Freestyle Motocross ay gaganapin sa Enero 27-28 sa Namagpagan Motocross Track, Poblacion, La Paz, Abra.
Sa ikapitong taon nito, ang kompetisyon ay nag-lalayong ipakilala ang motocross tourism sa bansa sa 12 category race at ang freestyle exhibition.
“Bawat taon, nag-iimbita kami ng malalaking bituin sa freestyle motocross, tulad ng mga international riders mula sa Amerika. Ngayong taon, dadalhin namin dito ang mga pinakamahuhusay na freestyle riders ng buong mundo,” sabi ng Pangulo ng SELJ SPORTS at ang Hari ng Motocross na si Jay Lacnit, ang partner ni Bernos sa karera.
Inaasahang darating sa bansa ang mga international freestyle riders na sina Tom Robinson, Harry Bink, Steve Mini, Scott Fitzgerald, Blake Bilko Williams at Emma McFerran. Ang mga alamat na celebrity riders na sina Jack McNeice, Corey Creed at Denis Stapleton ay dadalo din sa nasabing kompetisyon.
“Lahat ng ating kababayan dito sa La Paz ay hinihintay itong malaking tournament. Ipinagmamalaki naming dalhin ang sports motocross tourism sa Pilipinas,” ani Bernos.
Masaya ding sinabi ni Mayor Ching Bernos na ipinagmamalaki niyang naging tagahanga na ng motocross ang buong Abra dahil sa kompetisyon.