PBA Christmas break pabor sa San Miguel

MANILA, Philippines — Noong nakaraang season ay sumabak ang San Miguel sa kabuuang 58 laro.

Tampok dito ang kanilang pag-angkin sa mga korona ng 2017 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup bago napatalsik ng sister team na Barangay Ginebra sa quarterfinals ng Governor’s Cup na nagpaguho sa kanilang tsansang makamit ang pambihirang PBA Grand Slam.

Noong Nobyembre lamang muling bumalik sa ensayo ang Beermen matapos mapatalsik ng Gin Kings.

“Late na kami nag-practice. Forty seven days kami nag-break since our last game last season,” sabi ni head coach Leo Austria.

Inamin ni Austria na kailangan pa nila ng sapat na panahon para makabalik sa kanilang pamatay na porma sa kasalukuyang 2018 PBA Philippine Cup.

Kaya naman ikinasiya ni Austria ang 16-day break ng San Miguel, nagmula sa 103-97 panalo laban sa Meralco noong Disyembre 28 sa Ynares Center sa Antipolo City.

Sa Enero 13 pa mu-ling maglalaro ang mga Beermen katapat ang TNT Katropang Texters sa out-of-town game sa San Agustin Gym sa Iloilo City.

“I take it on a positive note,” sabi ni Austria sa pamamahinga ng San Miguel. “We’ll take this as an opportunity for us to strengthen and recuperate. Kasi wear and tear na rin.”

Magkasosyo sa liderato ang Beermen at NLEX Road Warriors mula sa magkatulad nilang 2-0 kartada habang may 1-1 marka naman ang Tropang Texters.

Samantala, magbabalik ang mga aksyon sa Linggo sa paghaharap ng NLEX at Phoenix sa alas-4:15 ng hapon at ang bakbakan ng Ginebra at Globalport sa alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Show comments