MANILA, Philippines — Dalawang linggo matapos ang kanyang matagumpay na title defense noong nakaraang buwan ay kaagad sinimulan ni Filipino super flyweight champion Jerwin Ancajas ang kanyang pag-eensayo.
Nakatakdang itaya ni Ancajas ang kanyang suot na International Boxing Federation super flyweight crown laban kay Mexican Israel Gonzales sa Pebrero 3 sa Texas, USA.
“Nag-umpisa na akong mag-training at tuluy-tuloy na ‘yung conditioning ko para sa next fight ko,” sabi ng 25-anyos na si Ancajas. “Nag-aayos na ako sa visa ko para wala nang problema pagpunta doon.”
Umiskor si Ancajas, nasa ilalim ng MP Promotions ni Filipino world eight-division king Manny Pacquiao, ng isang sixth-round stoppage laban kay Irish challenger Jamie Conlan noong Nobyembre 18 sa Belfast, Ireland.
Matapos ito ay kaagad siyang pinapirma ng kontrata ni Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Kasalukuyang bitbit ng tubong Panabo City, Davao del Norte ang kanyang 28-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 19 knockouts.
Kumpiyansa si Ancajas na hindi maninibago ang kanyang katawan sa kanyang pagsagupa kay Gonzales (21-1-0, 8 KOs) sa Corpus Christi, Texas.
“Hindi naman siguro makakaapekto sa akin ‘yung climate doon kasi last time sa Belfast, Ireland nakapag-adjust ako eh, basta ilang days before the fight dapat nandoon na ako sa Texas,” ani Ancajas.
Ito ang magiging debut ni Ancajas sa US na inaasahang tatangkilikin ng mga boxing fans sa buong mundo.
Noong Hulyo 2 ay lumaban si Ancajas sa undercard ng bakbakan nina Pacquiao at Jeff Horn sa Brisbane, Australia kung saan niya pinasuko si Ja-panese challenger Teiru Kinoshita sa seventh round.
Noong Hulyo 2 ay lumaban si Ancajas sa undercard ng bakbakan nina Pacquiao at Jeff Horn sa Brisbane, Australia kung saan niya pinasuko si Japanese challenger Teiru Kinoshita sa seventh round.
Maliban kay Ancajas, ang dalawa pang world boxing champion ng bansa ay sina IBF flyweight king Donnie ‘Ahas’ Nietes at IBF light flyweight ruler Milan Melindo.